Friday, August 29, 2025

Merong dalawang pulis manyakis

MERONG DALAWANG PULIS MANYAKIS

merong dalawang pulis manyakis
na ginalaw ay babaeng pulis
tila libog nila'y di natiis
sinalbahe pa'y babaeng pulis

kung mayroon mang pulis patola
ay may pulis manyakis pa pala
na sa kabaro nagsamantala
at sa babaeng kasamahan pa

Safe Spaces Act ba'y ikakaso?
o ang kaso'y administratibo?
ililipat lang sila ng pwesto?
babaeng pulis nga'y agrabyado!

siya'y pinainom daw ng alak
at hinipuan ng mga manyak
aba'y bakit kapwa nila parak
ay kanila mismong pinahamak

magkakayunit pa sila, sabi
ngunit siya pa ang sinalbahe
kaytinding epekto ng nangyari
sa puso't isipan ng babae

buti't sa taas siya'y nagsumbong
subalit nais nating itanong:
mga manyak kaya'y ikakanlong
ng nasa taas o ikukulong?

nangyari'y sadyang nakagagalit
hustisya kaya'y kanyang makamit?
at mapakulong ang malulupit?
o buhay pa'y malagay sa bingit?

- gregoriovbituinjr.
08.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 28, 2025, Pang-Masa at Remate, Agosto 29, 2025

No comments:

Post a Comment

Konsehal, kinasuhan ng kapwa konsehal

KONSEHAL, KINASUHAN NG KAPWA KONSEHAL (Tulâ batay sa balità sa pahayagang Bulgar, isyu ng DIsyembre 17, 2025, tampok na balita, at ulat sa p...