Monday, March 31, 2025

May mga pangalan ang mga pinaslang

MAY MGA PANGALAN ANG MGA PINASLANG
(Tara, pagtulungan natin upang mabatid ni VP Sara)

wala nga bang pangalan ang mga pinaslang?
tiyak meron, at maraming ina ang luhaan
subalit bigyan natin ng mga pangalan
upang ang bise, pangalan nila'y malaman
si Kian Delos Santos ay isa lang diyan

ina ni Aldrin Castillo nga'y lumuluha
na buhay ng kanyang anak ay iwinala
bagamat di naman ako nakapagtala
subalit ito'y isang hamon sa makata
sandaang ngalan ma'y masaliksik kong sadya

Jonathan Mulos, "Dagul", Dario Oquialda, 
JohnDy Maglinte, Obet Tington, Eugen Llaga, 
Vincent Adia, Carlo Bello Villagarcia, 
Abdulmahid Mamalumpong, Larry Miranda, 
Harriet Barrameda Serra, Noel Ababa,

Renato Cajelo Mariano, Alfredo 
Orpeza, "Yaba", Alfredo Roy Elgarico,
Jeremie Garcia, Emelito Mercado,
Harold Tablazon, Jordan Sabandal Abrigo, 
Basideles Ledon, Remar Caballero, 

Ricky Dinon, Noron Mulod, Larry Salaman,
Jocel Salas, Norman Sola, Victor Lawanan,
Abraham Damil, Christopher "Amping" Cuan, 
Joshua Evangelista, Hernani Tipanan,
Caesar Perez, Edwin Callos, Russel De Guzman,

Marcelo Baluyot, Aldrin Tangonan, Jr.,
Abubacar Sharief, Pablo Matinong Jr.,
Jose Dennis Dazer, Arsenio Guzman Jr.,
Joshua Laxamana, Ricardo Gapaz Jr.,
Antonio Rodriguez, Gener Amante Jr.,

Gilbert Paala, Daniel Lopez, Djastin Lopez,
Franie Genandoy Avanceรฑa, Froilan Reyes,
Roselle Tolentino Javier, Ritchie De Asis, 
Louie Angelo Vallada, Santiago Andres,
Roberto Alejo Silva, Jun Rey Cabanez,
 
kung bibilangin ko'y higit pa lang limampu
ang sa tula'y ngalan ng buhay na naglaho
sa isang patakaran ngang napakadugo
sa paalam dot org pa lang ito nahango
halina't pagtulungang ngalan pa'y mabuo

* pinaghanguan ng mga pangalan ng biktima ng drug war: https://paalam.org/ 
* tula batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Marso 31, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sunday, March 30, 2025

Walang gutom ang Budol Gang

WALANG GUTOM ANG BUDOL GANG

ang budol ay
panloloko,
panlalansi,
panlilinlang

gamit nila'y 
anong tamis
maasukal
na salitรข

upang kunin
o nakawin
ang anumang
mayroon ka

paano kung
ninakawan
na'y ang kaban
nitong bayan

hay, ang masa
ang kawawa
panlolokong
di halatรข

mandaraya
walanghiya
budol-budol
tusong ulol

walang gutom
ang pusakal
bulsa't mukha'y
anong kapal

ingat kayo
sa budol gang
at labanan
ang budol gang

- gregoriovbituinjr.
03.31.2025

* batay sa ulat sa pahayagang People's Journal, Marso 31, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Saturday, March 29, 2025

Tatlong magkakapatid, magkayakap na nasunog

TATLONG MAGKAKAPATID, MAGKAYAKAP NA NASUNOG

tuwing Marso ay Fire Prevention Month subalit
bago magtapos ang Marso ay tatlong paslit
ang namatay sa sunog nang magkakayakap
kung ako ang ama'y tiyak di ko matanggap

mga batang edad tatlo, apat at anim
ang namatay sa sunog, talagang kaylagim
magkakapatid silang may kinabukasan
subalit tinupok ng apoy ang tahanan

ay, bakit nangyari ang kalagayang ito?
anang ulat, ama't ina'y nasa trabaho
nang magkasunog ikasiyam ng umaga
nang tatlong magkakapatid ay nadisgrasya:

Sachna Lexy, Razan Kyle, at Athena Lexy
doon sa Barangay Mambaling, Cebu City
mga pangalang di dapat makalimutan
paalala sila na ating pag-ingatan

at huwag basta iwan yaong ating anak
nang sila lang sa bahay nang di mapahamak
kung may napag-iwanan lang na responsable
sa komunidad, baka di iyon nangyari

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

* ulat ng Marso 30, 2025 sa pahayagang Bulgar at Abante Tonite, tampok na balita (headline) at pahina 2
* ๐— ๐—ฎ๐—ฟ๐—ฐ๐—ต was declared as โ€œ๐—™๐—ถ๐—ฟ๐—ฒ ๐—ฃ๐—ฟ๐—ฒ๐˜ƒ๐—ฒ๐—ป๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐— ๐—ผ๐—ป๐˜๐—ตโ€ by virtue of Proclamation No. 115-A, s.1966 which promotes consciousness about safety and accident prevention. On the other hand, Proclamation No. 360, s.1989, proclaimed this month as โ€œ๐˜ฝ๐™ช๐™ง๐™ฃ ๐™‹๐™ง๐™š๐™ซ๐™š๐™ฃ๐™ฉ๐™ž๐™ค๐™ฃ ๐™ˆ๐™ค๐™ฃ๐™ฉ๐™โ€ that disseminates campaigns on burn prevention and to enhance education in all phases of burn cases. mula sa kawing na https://web.nlp.gov.ph/fire-prevention-month/

Pumatay na ngunit di ikinulong!

PUMATAY NA NGUNIT DI IKINULONG!

grabeng balita, may krimen na naman
dahil sa make-up na di pinahiram?
dahil doon, kaklase na'y pinaslang?
pumatay dahil sa make-up na iyan?

Grade 8, tinodas ng klasmeyt sa klasrum
bakit nga ba nangyayari ang gayon?
nadakip naman ang suspek na iyon
ngunit sa piitan ay di nakulong

hanggang Bahay Pag-asa lang ang bading
dalagitang biktima'y nasawi rin
binully, tinutukan ng patalim
pinagsasaksak ng bading na praning

may mental health problem nga ang kriminal
baka dapat dalhin siya sa Mental
balitang ito'y nakatitigagal
kung ako ang tatay ay mangangatal

mga pamilya'y talagang luluha
kung Mental Health Act ay walang nagawa
nang mapigil ang krimeng nabalita
dapat batas pa'y patataging sadya

- gregoriovbituinjr.
03.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Wednesday, March 26, 2025

Pagpopropaganda versus seguridad?

PAGPOPROPAGANDA VERSUS SEGURIDAD?

manunulat, makata, kwentista, propagandista
iyan ang buhay ko bilang aktibistang Spartan
paggawa ng dyaryo, ng polyeto't editoryal pa
ginagawa ko ang trabaho't misyon ng lantaran

propagandista'y nagpapalakas ng kalooban
pag di mapakali sa problema't isyu ang masa
pag negatibo ang nasa isip ng kababayan
moral nila'y patataasin ng propagandista

ngunit anang kasama, isipin ang seguridad
tama naman siya, at baka ako'y mapahamak
at huwag ipakilala ang iyong identidad
tama siya, upang ako'y di ilugmok sa lusak

security officer at propagandista'y iba
ng gawain, isa'y itago ang pagkakilanlan
propagandista'y di maiwasang magpakilala
misyon ko'y ipahayag ang adhikain sa bayan

sa tula't dyaryo pa lang, nalantad na ang sarili
ngunit maaari namang nom de plume ang gamitin
ang propagandista'y nagsasalita rin sa rali
na tindig ng manggagawa sa isyu'y sasabihin

ingat din, para sa seguridad nang di ma-redtag
salamat sa inyong payo sa mga tulad namin
datapwat ang bawat salitang ipinahahayag
ay aming misyon, ilantad ang bawat simulain

- gregoriovbituinjr.
03.27.2025

Monday, March 24, 2025

Ang berdugo'y di magiging bayani

ANG BERDUGO'Y DI MAGIGING BAYANI

tila nais palabasin ng kanyang anak
na kung uuwi'y baka mamatay sa tarmak
baka mapagaya kay Ninoy sa paglapag
ng eroplano, baka siya'y mapahamak

iyan ang laman ng mga ulat sa dyaryo
naging dilawan na ba ang bise pangulo?
idinamay si Ninoy, baka magkagulo?
magiging bayani ba ang isang berdugo?

gayong may atas paslangin ang libong Pinoy
ngayon, ikinukumpara siya kay Ninoy
baka mga napaslang, sa hukay managhoy:
"hoy! si Ninoy nga'y huwag ninyong binababoy!"

dating Pangulo'y kay Ninoy ikinumpara
ano? hay, nakakaumay, maling panlasa
dahil sa kaso'y nagbabalimbingan sila
parang niyakap nila ang diwa ng Edsa

sa tindi ng kaso, crime against humanity
di makababalik, iyan ang mangyayari
umiyak man ng dugo, kahit pa magsisi
di siya isang Ninoy, di siya bayani

- gregoriovbituinjr.
03.25.2025

* mula sa ulat ngayong araw sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar at Abante

Sunday, March 23, 2025

Pansamantalang paglaya ni Du30, haharangin ng EJK victim families

PANSAMANTALANG PAGLAYA NI DU30, HAHARANGIN NG EJK VICTIM FAMILIES

tiyak na tututulan ng mga pamilya
ng mga biktima ng EJK o yaong
extrajudicial killings kung pansamantala
mang makalaya si dating pangulong Digong

anang ulat, sakaling may interim release
dahil maimpluwensya ang dating pangulo
tiyak na marami ang aaktong mabilis
upang harangin sakaling mangyari ito

may due process si Digong, di yaong winalan
ng buhay, pinaslang, kaya sadyang masahol
pag pinagbigyan ang mismong may kasalanan
tiyak na human rights defenders ay tututol

kaya sana'y di ito gawin ng ICC
upang inaasam na hustisya'y makamit
ng mga biktimang ang buhay ay winaksi
ng berdugong ang atas ay napakalupit

- gregoriovbituinjr.
03.23.2025

* ICC - International Criminal Court
* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2025, pahina 1 at 2

Thursday, March 20, 2025

4-anyos na anak, pinatay sa sakal ng nanay

4-ANYOS NA ANAK, PINATAY SA SAKAL NG NANAY

karumal-dumal ang sinapit ng apat na anyos
na anak pa ng kanyang inang sumakal sa kanya
bakit nangyayari ang ganitong kalunos-lunos?
na pangyayari't paano sasaguting talaga?

tila may mental health problem na ang nasabing nanay
naburyong dahil di raw nagpapakita ang mister
bakit naman anak ang napagdiskitahang tunay?
naku, nagsawa na ba siya sa pagiging martir?

may hinala siyang mister ay may ibang babae
pagkat ilang araw nang ito'y di nakakauwi
nagdilim ang paningin, sinakal niya si Sophie
hay, sa selos o panibugho'y walang nagwawagi

ngayon, siya'y makukulong sa pagpaslang sa anak
sugat kung maging balantukan man ay mag-aantak

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

* ulat ng Marso 20, 2025, sa mga pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar, at Pang-Masa

Wednesday, March 19, 2025

Suhol

SUHOL

talamak na ang katiwalian
dito sa ating pamahalaan
mga nahahalal ba'y kawatan?
aba'y kawawa naman ang bayan!

under the table, tong, lagay, suhol, 
padulas, regalo, tongpats, kuhol
na trapong pera-pera, masahol
na sistemang tila walang tutol

kailan titigil ang tiwali
kailan itatama ang mali
hindi ba't bayan ang dito'y lugi
sa galawang talagang masidhi

bakit ang bayan ay nakakahon
sa mga tagong gawaing iyon
dapat wakasan na ang korapsyon!
paano? sinong may ganyang misyon?

- gregoriovbituinjr.
03.19.2025

* larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 12, 2025, p.5

Monday, March 17, 2025

Magsulat ng anuman

MAGSULAT NG ANUMAN

walong ulit na "Write something" ang nakatatak
sa telang bag mula Philippine Book Festival
ay, kayraming paksang naglalaro sa utak
na nais isulat, di man magbigay-aral

samutsaring tula, kwento't pala-palagay
hinggil sa pang-aapi't pagsasamantala
sa madla na kaban ng bayan pala'y pakay
ng bundat na dinastiya't oligarkiya

silang nagtatamasa sa lakas-paggawa
ng manggagawang hirap pa rin hanggang ngayon
silang dahilan ng demolisyon sa dukha
sanhi rin ng salot na kontraktwalisasyon

ay, kayrami kong talagang maisusulat
upang sa masang api ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* naganap ang Philippines Book Festival mula Marso 13-16, 2025

Edad 7 at 10, ginahasa sa magkaibang lalawigan

EDAD 7 AT 10, GINAHASA SA MAGKAIBANG LALAWIGAN

pitong anyos na batang babae yaong hinalay
saka pinagsasaksak pa ng gwardyang desperado
na kinalasan daw ng kinakasama, kaylumbay!
ngunit bakit ang bata ang pinagbalingan nito?

sampung anyos namang batang babae'y ginahasa
ng isang suspek na pumalo sa ulo ng paslit
biktima'y natagpuang walang saplot sa ibaba
may mga sugat pa sa ulo, ay, nakagagalit!

una'y sa Butuan, Agusan del Norte naganap
isa'y sa Lupi, Camarines Sur naman nangyari
winalang halaga ang mga batang may pangarap
iyang mga suspek kaya ngayon ay nagsisisi?

nawa'y makamit ng mga bata ang katarungan!
sana mga suspek ay makalabosong tuluyan!

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* ulat ng Marso 17, 2025 sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Bulgar

Saturday, March 15, 2025

Babae, hinoldap na, ginahasa pa ng habal-habal rider

BABAE, HINOLDAP NA, GINAHASA PA NG HABAL-HABAL RIDER

aba'y naku, ingat, mga kababaihan
lalo na't dalaga pa, puri'y pag-ingatan
mula sa masamang loob, pusong kawatan
lalo't madaling araw na't tungo'y tahanan

may ulat ngang hinoldap ang isang babae
at ginahasa pa sa madilim na parte
ng lugar sa Cebu, talagang sinalbahe
ng suspek na tsuper ng motorcycle taxi

mabuti't nakapagsumbong pa ang biktima
kaya suspek ay nasakote kapagdaka
tiyak suspek ay sa kulungan magdurusa
dahil sa krimeng nagawa't inamin niya

sa pag-uwi po ng madaling araw, INGAT!
at maraming mapagsamantalang nagkalat

- gregoriovbituinjr.
03.16.2025

* ulat ng petsang Marso 16, 2025 mula sa pahayagang Bulgar, Pang-Masa, at Pilipino Star Ngayon

Friday, March 14, 2025

Dalawang abusadong ama

DALAWANG ABUSADONG AMA

bumungad ay dalawang kaytinding balita
ng dalawang amang umabuso ng anak
dahil sa kanilang mga krimeng ginawa
imbes protektor, anak sa dusa'y sinadlak

dalawa't limang anyos na bata'y ginamit
sa cybersex ng tatay nila sa Zambales
edad lima, siyam, labing-isa'y nire-reyp
ng mismong tatay nila nang paulit-ulit

isa'y nadakip sa Baclaran, Paraรฑaque
kahiya-hiyang gawain ng mga tatay
sariling mga anak pa ang sinalbahe
isa'y sa cybersex, isa'y sa panghahalay

bakit sariling anak pa'y pinapahamak
baka rason pa rin nila'y dahil sa hirap
may problema ba ang mga ama sa utak
may mental health problem ba silang nalalasap

- gregoriovbituinjr.
03.15.2025

* ulat ng Marso 15, 2025 mula sa pahayagang Bulgar, tampok na balita (headline) at pahina 2, at sa pahayagang Abante Tonite, pahina 2

Buhay-pultaym

BUHAY-PULTAYM

oo, prinsipyo ang bumubuhay sa akin
di salapi, di datung, di pera, di atik
aktibistang Spartan pa rin hanggang ngayon
na kumikilos upang tuparin ang misyon

di ako nabubuhay upang kumain lang
kumakain ako upang mabuhay lamang
nakatuon pa ring tuparin ang adhikร 
para sa maralita't uring manggagawร 

di natapos ang B.S.Math sa kolehiyo
upang magpultaym at kumilos sa obrero
pasya'y pinag-isipan hanggang sa lumisan
doon sa apat na sulok ng paaralan

naglalakad upang sa pulong makarating
nag-ipon sa tibuyรด upang may gastusin
binubuhay ng masang pinaglilingkuran
pamilya na'y bayan, ganyan ang buhay-pultaym

- gregoriovbituinjr.
03.14.2025

Thursday, March 13, 2025

Ang editorial cartoon ng The Manila Times

ANG EDITORIAL CARTOON NG THE MANILA TIMES

tingni yaong editorial cartoon
ng The Manila Times, anong nar'on
nag-apiran pa at nalulugod
ang narco-politician at drug lord

subalit wala na sa palasyo
ang nadakip na dating pangulo
anong kanilang ikinatuwa?
tila sa kural ba'y nakawala?

editoryal ay parang sinabi
tama ang ginawa ni Duterte
sa kanyang gera laban sa droga
wastong pinaslang ang durugista

subalit kayrami nang nautas
kahit walang proseso ng batas
kayraming mga inang lumuha
at buhay na kay-agang nawala

may warrant of arrest ang ICC
sa kasong crime against humanity
buti si Duterte, may due process
ang dukha'y pinaslang nang kaybilis

- gregoriovbituinjr.
03.13.2025

* litrato mula sa The Manila Times, Marso 13, 2023, p.A4
* ICC - International Criminal Court

Wednesday, March 12, 2025

Payo sa tulad kong Libra

PAYO SA TULAD KONG LIBRA

horoscope nga'y bihira kong basahin
subalit ngayon, ako'y napatingin
aba, ang payo sa tulad kong Libra
tila payo sa mga aktibista

na "Talasan ang pakiramdam lalo
sa mga mapang-abuso." ay, opo!
dinagdag pa, "Huwag kang tatahimik
kapag may nakita kang mali." korek!

ganyan nga ako kaya isang tibak
ayaw kong masa'y gumapang sa lusak
dapat lahat, kasama sa pag-unlad
at pinunong bugok, dapat ilantad

sistemang bulok ay dapat palitan
at itayo'y makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.13.2025

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 13, 2025, p.7

Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina?

PALAWAN PALA'Y INAANGKIN NA NG TSINA?

nabasa ko lang sa pahayagan kanina
Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina?
akala ko ang Tsina'y Oso, iba pala
tulad na ba sila ng bundat na buwaya?

dahil ba may langis sa isla ng Palawan?
sinong magtatanggol sa islang anong yaman?
ang mga dukha? Pilipinong makabayan?
o kapitalistang limpak ang pakinabang?

sinong nasa Palawan? anong mga tribu?
may Intsik ba roong gubat na'y kinakalbo?
nagprotesta'y may panawagang nabasa ko:
igalang ang international maritime law!

marahil nga't wasto lamang ang maghimagsik
kung sariling lupa'y inaagaw ng Intsik
laban sa pananakop nila't paghahasik
upang kunin ang lupa ng bayang tahimik

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 12, 2025, p.2

Tuesday, March 11, 2025

Tanim-bala, ayon kay Lolit Solis

TANIM-BALA, AYON KAY LOLIT SOLIS

lumang drama na umano ang Tanim-Bala
sinulat ni Lolit Solis sa kolum niya
naulit na naman ba iyan sa NAIA?
kaytindi ng sabi niya: Nakakaloka!

paanong sa bagahe bala'y naisaksak
buti na lang, tatlong empleyado'y sinibak
sa modus nila'y kayraming mapapahamak
pawis ng biktima'y talagang tatagaktak

nakagagambala sa mga pasahero
iyang modus operandi ng mga loko
sana'y matigil na ang modus nilang ito
pigilan ang modus ng mga walang modo

mabibiktima nila'y talagang kawawa
tanim-bala sana'y tuluyan nang mawala
dapat nang matukoy sino ang may pakana
at mga suspek ay maparusahang sadya

- gregoriovbituinjr.
03.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 11, 2025, p.6, at pahayagang Bulgar, Marso 11, 2025, p.1 at 2

Monday, March 10, 2025

Hustisya sa mga pinaslang na OFW

HUSTISYA SA MGA PINASLANG NA OFW

Joanna Demafelis
Constancia Lago Dayag
Jeanelyn Villavende
Jullebee Ranara
Jenny Alvarado
Dafnie Nacalaban

ilan lang sila sa mga pinaslang
na Pinay doon sa bansang Kuwait
gumawa'y tiyak na bituka'y halang
ginawang iyon ay napakalupit

bansa'y nilisan, nagbakasakali
na naiwang pamilya'y matustusan
subalit ang buhay nila'y pinuti
sa ibang bansang pinagtrabahuhan

ang panawagan natin ay hustisya
pangalan nila'y huwag kalimutan
dapat katarungan ay kamtin nila
at mga pumaslang ay parusahan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2025, p. 11

Saturday, March 8, 2025

Isa na namang mental health problem na krimen

ISA NA NAMANG MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN

ay, grabe talaga ang tampok na balita
na krimen sa kapatid na nakababata
kapatid na tatlong taon lang ginahasa
ng kanyang kuya, ulat na nakabibigla

labing-anim na taon ang suspek na praning
ginawa ang krimen nang siya na'y malasing
may mental health problem ba't ang utak na'y himbing?
napagtripan ang kapatid imbes nilambing?

batang babae'y kaawa-awa nga roon
hustisya sana'y makamtan ng batang iyon
nadakip ang suspek na tiyak makukulong
baka kaya nagawa sa droga pa'y lulong

may Republic Act na tayo, ang Mental Health Act
subalit kayrami pa ring napapahamak
marami pa ring ganyang krimen ang palasak
sugat ay di maghilom, tuloy ang pag-antak

- gregoriovbituinjr.
03.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.09.2025, p.1 at 2, at pahayagang Pilipino Star Ngayon, 03.09.2025, p.9
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Friday, March 7, 2025

Sa Araw ng Kababaihan

SA ARAW NG KABABAIHAN

pakikiisa ko'y mahigpit
sa Araw ng Kababaihan
sasama ako't igigiit
kanilang mga karapatan

bukas ay dadalo sa rali
upang ipagdiwang ang Araw
ng magigiting na Babae
at sila rin ang bumubuhay

sa mamamayan ng daigdig
silang kalahati ng mundo
sila ang pusong nagpapintig
sa akin, sa masa, sa tao

lola, ina, tiya, kapatid,
asawa, kasintahan, guro,
sa bawat babae ang hatid
ko'y pagpupugay, buong-buo

at sa Dakilang Araw nila
kalalakiha'y kikilos din
kapitbisig at sama-sama
na lipunang ito'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
03.07.2025

Wednesday, March 5, 2025

Ang dapat maluklok

ANG DAPAT MALUKLOK

katatapos lang ng bayan sa paggunitรข
sa anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa
isang aral na nakita ko'y maging handรข
kung sakali mang mag-alsa muli ang masa

napagnilayan ko ang uring manggagawร ,
maralita, kababaihan, magsasaka
mga inang dahil sa tokhang lumuluhร 
ay, paano ba babaguhin ang sistema

kung ang Pag-aalsang Edsa'y muling mangyari
dapat dahil sa pagbabagong ating mithi
dahil ang mapagsamantala't mapang-api
ay dapat mawala't di na makapaghari

wasto lang na tunguhin nati'y tamang landas
kung saan wawakasan ang sistemang bulok
itatag natin ang isang lipunang patas
at mula uring manggagawa ang iluklok

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025

Monday, March 3, 2025

Sa pagtatagumpay

SA PAGTATAGUMPAY

maraming dapat gawin upang magtagumpay
sa ating buhay, sa bahay, sa hanapbuhay
anumang suliranin ang nakabalatay
ay malalampasan kapag tayo'y nagsikhay

ang buhay nati'y di pulos laban at galit
dahil sa mga karapatang pinagkait
dahil binubusabos na ang maliliit
kundi mayroon ding panahon ng pag-awit

buhay ay punong-puno ng pakikibaka
lalo na't hanap ay panlipunang hustisya
paano wakasan ang mga dinastiya
na isang dahilan ng bulok na sistema

magtatagumpay lang tayo sa minimithi
kung sama-samang kikilos ang ating uri
upang wakasan na ang sangkaterbang hikbi
dahil sa kagagawan ng kuhila't imbi

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

May mga pangalan ang mga pinaslang

MAY MGA PANGALAN ANG MGA PINASLANG (Tara, pagtulungan natin upang mabatid ni VP Sara) wala nga bang pangalan ang mga pinaslang? tiyak meron,...