Thursday, January 30, 2025

Proyektong kaytagal na't dapat tapusin

PROYEKTONG KAYTAGAL NA'T DAPAT TAPUSIN

kayrami pang dapat tapusing kwento't tula
lalo sa usaping tokhang, mga winala,
karapatang pantaong sinagkaang lubha,
hustisyang panlipunan, uring manggagawa,
pandemya, community pantry, kapwa dukha

mga natapos ay balak kong isalibro
isang libro bawat paksa ng tula't kwento
bakasakaling kumita sa mga ito
nang may pambayad naman sa kautangan ko
kaya ang pagsusulat ay sineseryoso

sa tokhang, kayraming dapat makapanayam
karapatan ay bakit tila napaparam
sa due process ay tila walang pakialam
at sa namatayan ay walang pakiramdam
paninirahan pa ng dukha'y kinakamkam

sa panahong nagdaan ay di mapalagay
sa dami ba naman ng naglutangang bangkay
na batid mo sa ulat, sa lansangan, hukay
sa pagkatha ng kwento'y di lang pagninilay
pamilya ng biktima'y kausaping tunay

- gregoriovbituinjr.
01.30.2025

Wednesday, January 29, 2025

8-anyos, pinakabatang nabuntis

8-ANYOS, PINAKABATANG NABUNTIS

nakababahala / ang gayong balita
pagkat nabasa ko'y / kay-agang nabuntis
edad walong anyos / ang pinakabata
kay-agang naglandi? / di na nakatiis?

sa edad lang niya, / siya'y walang muwang
kaybata pa't siya'y / pinag-interesan?
ayon pa sa ulat, / siya na'y nagsilang
bata ba'y mahirap? / at pambayad utang?

di na iyan kaso / ng teenage pregnancy
bata ang nabuntis, / paano naganap?
nakababahala / iyang child pregnancy
nangyari bang ganyan / sa bansa'y laganap?

may nagawa kayang / batas hinggil dito?
upang magabayan / ang mga bata pa
kung may edukasyon / magtuturo'y sino?
ang gurong di danas / makapag-asawa?

mga kasong ganyan / ay masalimuot
ang bata bang iyon / ay isang biktima?
marami pang tanong / ang dapat masagot
upang child pregnancy / ay mapigilan pa

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Enero 29, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2; pahayagang Abante, Enero 29, 2025, pahina 2

Timawa

TIMAWA

Dalawampu't apat Pahalang: Patay-gutom
aba'y TIMAWA yaong lumabas na tugon
ngunit ang timawa sa ating kasaysayan
ay yaong lumaya na sa kaalipinan

panggitnang uri sa uripon at tumao
mandirigma sa lipunang piyudalismo
iyan ang timawa sa historya ng bansa
ngunit ngayon, timawa ang mga kawawa

bakit nangyaring salita'y nagbagong anyo
kaningningan ng salita'y biglang naglaho
ang mga timawa'y malayang tao dati
ngayon, salitang ito'y nawalan ng silbi

timawa'y nagugutom na't namamalimos
ang malayang mandirigma'y naghihikahos
uring kabalyero'y nawalan na ng dangal
malaya nga subalit parang nasa kural

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.8
* uripon - alipin; tumao - maharlika

Tuesday, January 28, 2025

Wakasan ang dinastiya

WAKASAN ANG DINASTIYA

karaniwang kasabihang alam sa pamilya:
"The family that prays together, stays together!"
ngayon, may kasabihan hinggil sa dinastiya:
ang "The family that runs together, robs together!"

paalala mula sa Barangay Mambubulgar
hinggil sa pamilyang tumatakbo sa halalan
wakasan na ang dinastiyang nakakaasar
kung sila na naman ang mananalo sa bayan

iisang pamilya, tumatakbong sabay-sabay 
ang ama ay gobernador, ang ina ay mayor
anak pa'y kongresista, di ka ba nauumay
may tatlo pang nais sabay-sabay magsenador

pare-parehong apelyido, iisang mukha
serbisyong publiko na'y pampamilyang negosyo
pinalakas ang ayuda para sa dalita
upang mahamig lang ang boto ng mga ito

dapat wakasan ang dinastiya't elitista
sapagkat di lang kanila ang kinabukasan
manggagawa naman, at di na trapong pamilya
itayo na natin ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, 01.28.2025, p.5

Sunday, January 26, 2025

Akap

AKAP

aakapin mo pa ba ang isang sistema
kung sagad-sagarin nang mapagsamantala
o iyon ay agad-agad mong isusuka
tulad ng ayuda para sa pulitika

aakapin mo pa ba ang sistemang trapo
at magkautang na loob sa mga ito
nais nilang bilhin ang iyong pagkatao
upang iboto mo sila't sila'y manalo

lalo't kilong bigas ay kinakailangan
nang pamilya'y di magutom o mahirapan
trapo'y sinasamantala ang karukhaan
ng maralita na turing nila'y bayaran

kung mga trapo ay ganito ang pagtingin
sa mga maralita, kaybaba ng turing
ah, maralita'y dapat maghimagsik na rin
nang lipunang makatao'y itatag man din

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

* litrato mula sa fb page ng BMP

Thursday, January 23, 2025

Batang isang taon, nalunod sa timba

BATANG ISANG TAON, NALUNOD SA TIMBA

nakakaiyak, nakakagitla
nang mabasa ang isang balita
isang taong gulang lang na bata
yaong nalunod sa isang timba

biktima umano'y naglalaro
sa likod-bahay, ngunit naku po!
buhay niya'y kay-agang naglaho
pangarap sa kanya'y nagsiguho

nasabing bata'y napabayaan
habang magulang ay nag-agahan
timbang may tubig ang nilaruan
ng bata't siyang kinalunuran

kung ako ang ama'y anong sakit
na habambuhay kong mabibitbit
may pangarap pa ang aking paslit
ngunit nangyari'y sadyang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2025

* ulat mula sa mga pahayagang Abante at Bulgar, Enero 23, 2025, pahina 2

Monday, January 20, 2025

Sana'y wala nang EJK

SANA'Y WALA NANG EJK

sana, pag-salvage ay mawala na
at walang sinasalbahe sana
sana due process ay umiral pa
sana walang short cut sa hustisya

extrajudicial killings, itigil
paraang ganito'y mapaniil
pagkat due process ay sinusupil
sana ito'y tuluyang mapigil

sinuman ang maysala, kasuhan
at ikulong ang napatunayan
huwag idaan sa pamamaslang
pagkat lahat ay may karapatan

pairalin ang wastong proseso
at hanapin kung anong totoo
ang kriminal ay ikalaboso
ang inosente'y palayain mo

pairalin due process sa bansa
ngunit kung papatayin kang sadya
ng mga pusakal o sugapa
sarili'y ipagtanggol mong kusa

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

Wednesday, January 15, 2025

Edad 6, ginahasa ng edad 8 at 10, anang ulat

EDAD 6, GINAHASA NG EDAD 8 AT 10, ANANG ULAT

ano't mga bata pa'y nanggahasa
pinagtripan ang kapwa nila bata
sa magulang ba'y anong natutunan
bakit mga bata'y napabayaan

ginawa nila'y karima-rimarim
bakit ba nagawa ang gayong krimen
napanood kaya nilang nagse-sex
ang magulang, sa pornhub, o triple X

suspek na dalawang batang lalaki
hinila't ginahasa ang babae
nang batang babae'y umuwing bahay
nagsumbong sa ina't nagpa-barangay

nasabing mga suspek ay nahuli
at dinala sa DSWD
marahil doon lang, di mapipiit
dahil sa edad nilang mga paslit

anong nangyayari sa ating mundo?
dignidad ng kapwa ba'y naglalaho?
mga bata pa'y nagiging marahas
ano ang kulang? edukasyon? batas?

- gregoriovbituinjr.
01.16.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Enero 16, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Tuesday, January 14, 2025

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL

anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon:
miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason
ama at edad apat na anak ang nakabigti
sa inupahang apartment sa Lungsod ng Makati

ang una'y nasa cadaver bag ngunit may suicide note
na umano'y napagod nang maghanap ng trabaho
nagsawa na ba sa buhay? aba'y nakakatakot!
nang matagpuan siya'y nangalingasaw sa condo

ang anak at apo'y pinuntahan ng mag-asawa
upang anak nilang may depresyon ay kamustahin
subalit sila'y nabigla sa kanilang nakita
wala nang buhay ang apo't anak nila nang datnin

bakit pagpapatiwakal ang nakitang lulutas?
sa mga problema't winawakasan ang sarili?
nakalulungkot kahit may Mental Health Act na batas
patibayin pa ang batas upang di na mangyari

mapipigil ba ng batas ang pagpapakamatay?
o sariling desisyon nilang ito'y di mapigil?
o baka wala na silang makausap na tunay?
upang problema'y malutas? sarili'y kinikitil

- gregoriovbituinjr.
01.15.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Enero 14, 2025
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act 

Sunday, January 12, 2025

Mental health problem na krimen?

MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN?

kabaliwan ang ginawa ng anak sa magulang
ay, kalunos-lunos ang balita sa pahayagan
talagang punong-puno ng dugo at kalagiman
matatanong lang natin, bakit siya nagkaganyan?

aba'y pinaghahanap lamang siya ng trabaho!
bakit siya nagalit? durugista? siraulo?
mental health problem? o napika na ang isang ito?
dahil kinukulit ng magulang na magtrabaho?

ang edad ng nasabing tatay ay pitumpu't isa
habang edad limampu't walo naman yaong ina
at edad tatlumpu't tatlo naman ang anak nila
ibig sabihin, adulto na, dapat kumikita

talagang ang nangyaring krimen ay kahindik-hindik
karima-rimarim, talagang kaylupit ng suspek
magulang niya iyon, magulang niya'y humibik
hiling lang ng magulang ay magtrabaho ang lintik

sa follow-up operation, suspek ay nahuli rin
parricide at frustrated parricide ang kaso't krimen
ang Mental Health Act kaya'y ano ang dito'y pagtingin?
ah, di ako mapakali! kaylupit ng salarin!

- gregoriovbituinjr.
01.13.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante Tonite, 6 Enero 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act

Thursday, January 9, 2025

'Buwayang' Kandidato

'BUWAYANG' KANDIDATO

sa komiks ni Kimpoy sa dyaryong Bulgar
natanong ang isang botante roon
na bakit daw 'buwayang' kandidato
ang sinusuportahan gayong sila
ang sanhi bakit mahirap ang bayan

sagot agad sa kanya ng botante:
'sa pagkatao nila'y walang paki
pagkat ang mahalaga lang sa akin
ay donasyon nila't mga ayuda
nang sariling pamilya'y di gutumin'

ganyan di ba ang pananaw ni Kimpoy?
na kumatha ng komiks na naroon?
na marahil sa isip din ng madla
kaya walang bago sa pulitika
pagkat sa trapo sila umaasa

kung sumasalamin iyon sa masa
aba'y Bayan Ko, saan ka papunta?

- gregoriovbituinjr.
01.09.2025

* larawan mula sa pahayagang Bulgar, 9 Enero 2025, p.5

Wednesday, January 8, 2025

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS

sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala
kada Bagong Taon, kaytitinding paputok
nasabugan, may mga daliring nawala
sino bang sa ganitong isyu nakatutok?

dapat nang ang ganitong sistema'y matigil
may ginagawa na ba ang pamahalaan?
na pagpapaputok ay tuluyang mapigil?
mabawasan, kundi man, wala nang masaktan?

may isang lalaking nasabugan ng kwitis
na ayon sa ulat ay agad na namatay
matinding pinsala ang tinamong mabilis
sa ganyang kalagayan, ikaw ba'y palagay?

anong gagawin upang di mangyaring muli?
at maiwasto ang ganyang pagkakamali?

- gregoriovbituinjr.
01.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, 6 Enero 2025, tampok na balita sa pahina 1 at 2

Friday, January 3, 2025

Goodbye Daliri

GOODBYE DALIRI

Goodbye Daliri ba ang paputok na iyon
na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon
subalit daliri niya yaong nataboy
nasabugan ng labintador, ay, kaluoy

bagamat sa komiks iyon ay usapan lang
subalit batid natin ang katotohanan
sapagkat maraming naging PWD
nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi

dahil sa maling kultura't paniniwala
ay maraming disgrasya't daliring nawala
di naman babayaran ng kapitalista
ng paputok yaong pagpapagamot nila

sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago
nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025

Thursday, January 2, 2025

Batang edad 10, patay sa 'Goodbye Philippines'

BATANG EDAD 10, PATAY SA 'GOODBYE PHILIPPINES'

kamalasan ba, sinadya, o aksidente
pagsabog ng 'Goodbye Philippines' ay nangyari
na ikinasawi ng batang edad sampu
kaya kasiyahan nila'y agad naglaho

'Goodbye Philippines' pala'y bawal na totoo
ngunit may umabuso't iba'y naperwisyo
kaya nangyaring iyon ay talagang 'Goodbye'
dahil nawala ay isang musmos na buhay

wala pa akong alam na klaseng paputok
na 'Goodbye Daliri' ang ngalang itinampok
kung 'Goodbye Buhay' man, baka di iyon bilhin
kung may bibili man ay matatapang lang din

ah, kung ako ang ama ng batang nasawi
maghihimutok ako sa kulturang mali
babayaran ba ng kumpanya ng paputok
ang nangyari sa anak ko, di ko maarok

bawat Bagong Taong darating, magluluksa
hibik ko'y wala nang paputok na pupuksa
ng buhay o ng daliring masasabugan
at ang kulturang mali'y dapat nang wakasan!

- gregoriovbituinjr.
01.02.2025

* tula batay sa tampok na balita sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero, 2025, pahina 1 at 2

Pagpapa-riso ng polyeto

PAGPAPA-RISO NG POLYETO minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa pag naubusan na ng pamigay sa masa upang ipagpatuloy ang pangangampanya sa k...