TINANGGAL SA TRABAHO DAHIL MATABA
nawalan ng trabaho dahil raw mataba
kawalang respeto ito sa manggagawa
ang nangyari sa kanya'y pambihirang sadya
ang ganyang palakad ay talagang kaysama
PBA courtside reporter daw siya noon
nagtrabaho sa pinangarap niyang iyon
subalit matapos ang sampung laro roon
ay wala na siyang iskedyul nang maglaon
may kinuhang mga reporter na baguhan
na maayos din naman ang pangangatawan
wala siyang isyu sa bago't nagsulputan
nagtaka lang siya nang trabaho'y nawalan
ang mga lalaki, pinupuri pa siya
dahil maayos ang pamamahayag niya
ang babaeng lider sa network, ayaw pala
sa kanya dahil raw sa katabaan niya
ay, nakagugulat ang kanyang pagtatapat
ang nangyaring kaplakstikan ay di marapat
diskriminasyon ito kung titingnang sukat
karapatan bilang manggagawa'y inalat
kaisa mo kami, reporter Ira Pablo
mabuti't malakas ang loob mong magkwento
ipaglaban ang karapatan ng obrero
nang matigil na ang patakarang ganito
- gregoriovbituinjr.
10.17.2024
* PBA - Philippine Basketball Association
* mababasa ang ulat mula sa kawing na: https://philstarlife.com/celebrity/762228-former-pba-reporter-ira-pablo-lost-job-due-to-physical-appearance
No comments:
Post a Comment