Sunday, October 27, 2024

Ang makata

ANG MAKATA

ako'y isang makata
para sa maralita
at uring manggagawa
na isa kong adhika

patuloy ang pagtula
dumaan man ang sigwa
ako'y laging tutula
di man laging tulala

maraming pinapaksa
tulad ng bagyo't baha
ang nasalantang madla't
natabunan ng lupa

inaalay ko'y tula
na madalas na paksa
ay manggagawa't dukha
kababaihan, bata

katarungan, paglaya
sa bagyo'y paghahanda
ang nagbabantang digma
sa ilang mga bansa

tungkulin ng makata
ang hustisya'y itula
ang burgesya'y matudla
at mais ay ilaga

- gregoriovbituinjr.
10.27.2024

* litrato mula sa app game na CrossWord

Friday, October 25, 2024

AI chatbox, dahilan ng suicide? (Pangsiyam sa balitang nagpatiwakal)

AI CHATBOX, DAHILAN NG SUICICE?
(PANGSIYAM SA BALITANG NAGPATIWAKAL)
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikasiyam na balitang nabasa ko hinggil sa pagpapatiwakal mula Setyembre 20 hanggang ngayong Oktubre 25, 2024. Bagamat sinasabi sa isang balita sa Inquirer na ang pagpapatiwakal ng isang 14-1nyos na kabataan ay naganap noon pang Pebrero. Subalit kakaiba ito. 

Isang robot ang nambuyo sa isang batang 14-anyos upang magpakamatay ang bata. Ayaw nang mabuhay ang bata sa tunay na mundo.

Kaya isinakdal ng nanay ng nagpatiwakal na bata ang AI chatbox company dahil ito ang dahilan ng pagpapakamatay ng bata. Ang pamagat nga ng balita ay "Mother sues AI chatbot company over son's suicide", Inquirer, Octunre 25, 2024, pahina B6.

Narito ang isang talata subalit mahabang balita:

A Florida mother has sued artificial intelligence chatbot startup Character.AI accusing it of causing her 14-year-old son's suicide in February, saying he became addicted to the company's service and deeply attached to a chatbot it created. In a lawsuit filed Tuesday in Orlando, Florida federal court, Megan Garcia said Character.AI targeted her son, Sewell Setzer, with "anthropomorphic, hypersexualized, and frighteningly realistic experiences". She said the company programmed its chatbot to "misrepresent itself as a real person, a licensed psychotherapist, and an adult lover, ultimately resulting in Sewell's desire to no longer live outside" of the world created by the service. The lawsuit also said he expressed thoughts of suicide to the chatbot, which the chatbot repeatedly brought up again. "We are heartbroken by the tragic loss of one of our users and want to express our deepest condolences to the family," Character.AI said in a statement. It said it had introduced new safety features including pop-ups directing users to the National Suicide Prevention Lifeline if they express thoughts of self-harm, and would make changes to "reduce the likelihood of encountering sensitive or suggestive content" for users under 18. - REUTERS.

Ito naman ang malayang salin sa Filipino ng nasabing balita upang mas magagap ng ating mga kababayan ang ulat:

Idinemanda ng isang nanay sa Florida ang artificial intelligence chatbot startup na Character.AI na inaakusahan itong naging sanhi ng pagpapakamatay ng kanyang 14 na taong gulang na anak noong Pebrero, na nagsasabing naging gumon ang anak sa serbisyo ng kumpanya at malalim na inugnay ng anak ang sarili nito sa isang chatbot na nilikha ng nasabing kumpanya. Sa isang kasong isinampa noong Martes (Oktubre 22) sa Orlando, Florida federal court, sinabi ni Megan Garcia na pinuntirya ng Character.AI ang kanyang anak, si Sewell Setzer, ng "anthropomorphic, hypersexualized, at nakakatakot na makatotohanang mga karanasan". Sinabi niyang pinrograma ng kumpanya ang chatbot nito upang "mHindi tunay na katawanin ang sarili bilang isang tunay na tao, isang lisensyadong psychotherapist, at isang adultong mangingibig, na sa huli'y nagbunga upang hindi na naisin ni Sewell na mabuhay sa labas (o sa  totoong mundo)" kundi sa mundong nilikha ng nasabing kumpanya. Sinabi rin sa pagsasakdal na ipinahayag ng bata ang saloobing magpakamatay sa chatbot, na inuulit-ulit muli ng chatbot. "Nalulungkot kami sa trahedyang pagkawala ng isa sa aming gumagamit at nais naming ipahayag ang aming pinakamalalim na pakikiramay sa pamilya," sabi ni Character.AI sa isang pahayag. Sinabi nitong nag-introdyus ito ng bagong feature na pangkaligtasan kabilang ang mga pop-up na nagdidirekta sa mga gumagamit sa National Suicide Prevention Lifeline kung nagpapahayag sila ng mga saloobing saktan ang sarili, at gagawa sila ng mga pagbabago upang "bawasan ang posibilidad na makatagpo ng sensitibo o nagpapahiwatig na nilalaman" para sa mga gumagamit na wala pang 18 taong gulang. - REUTERS.

PAGNINILAY

Bakit nangyayari ang gayong pagpapatiwakal? Naiibang kasong ayaw nang mabuhay sa tunay na daigdig? Ang nanay ba niya, o pamilya ng bata'y hindi siya mahal? Kaya ibang daigdig ang kinawilihan?

Naiibang kaso, kaya isa rin ito sa dapat pagtuunan ng pansin kung paano maiiwasan ang pagpapakamatay.

Sa talaan sa loob ng 36 na araw ay ikasiyam ito sa aking nabasa hinggil sa mga nagpatiwakal. Tingnan natin ang ibang ulat:

(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024
(8) PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 24, 2024, p.2
at (9) Mother sues AI chatbox company over son's suicide, mula sa Inquirer, Oktubre 25, 2024, sa pamamagitan ng ulat ng Reuters

Isa itong kakaibang kaso, kaya dapat aralin din ng mga kinauukulan ang ganito upang hindi na ito maulit. Bagamat nangyari iyon sa Florida sa Amerika, hindi mapapasubaliang maaaring mangyari ito sa ating bansa. Bagamat mayroon na tayong Mental Health Law o Republic Act 11036, at may nakasalang ding panukalang batas na Youth Suicide Prevention Act o Senate Bill No. 1669, ay maidagdag ang pagtugon hinggil sa nasabing kaso ng batang nagpakamatay dulot ng AI.

NAGPAKAMATAY DULOT NG AI.CHATBOX

ang AI.Chatbox ba ang nambuyong magpatiwakal
sa isang labing-apat na anyos na kabataan?
balitang pagpakamatay niya'y nakagigimbal
tila nambuyo'y robot? bakit nangyari ang ganyan?

kinasuhan na ng nanay ang nasabing kumpanya
nang magumon dito ang nagpakamatay na bata
AI, bata'y inuto? sige, magpakamatay ka!
nangyari ang di inaasahan, siya'y nawala

sa AI chatbox nga'y nagumon na ang batang ito
nawiling mabuhay sa loob ng Character.AI
ayaw nang mabuhay ng bata sa totoong mundo
nabuyo (?) ng AI kaya bata'y nagpakamatay

kaybata pa niya upang mangyari ang ganoon
anong dapat gawin upang di na maulit iyon?

10.25.2024

Wednesday, October 23, 2024

Ikawalong nagpatiwakal sa loob ng 35 araw

IKAWALONG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 35 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakaraming paksa ang dapat itula, subalit hindi ako mapakali sa isang paksang laging lumilitaw ngayon sa balita, lalo na sa pahayagang Bulgar - ang isyu ng mga nagpakamatay.

Isa sa dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan, o ng pamahalaan, ay ang dami ng mga nagpapatiwakal. At nasubaybayan ko sa balita ang ganito, lalo na sa pahayagang Bulgar. Mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 24 ay walo na ang nagpakamatay. Labing-isang araw ng Setyembre, kasama sa bilang ang a-20, o 30-20+1 = 11 araw, at 24 araw ng Oktubre, 11+24=35. Halos isa tuwing apat na araw ang nagpapatiwakal.

Paano nga ba iiwasang magpasyang magpatiwakal ang isang tao? Kung siya ay biktima, siya rin ang suspek dahil siya ang nagdesisyon. Maliban kung may foul play. Tingnan natin ang talaan ng mga nagpakamatay, ayon sa ulat ng Bulgar.

Isa-isahin natin ang mga pamagat ng walong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024
(8) PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 24, 2024, p.2

Sa ikawalong ulat, na siyang pinakahuling balita, ay ngayong Oktubre 24, 2024. Iniulat ng pahayagang Bulgar: "PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo". Ating basahin ang ulat:

PATAY na nang lumutang ang isang Person With Disability (PWD) na tumalon sa Pasig River dahil hindi na umano kinaya ang karamdaman.

Positibong kinilala ng kanyang pamangkin na si Jeffrey Reyes, 21, ang biktimang si Adrian, 49, PWD, ng Makati City.

Alas-10 ng umaga, isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay na palutang-lutang kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa Philippine Coast Guard (PCG) na siyang tumawag sa Manila Police District - homicide section.

Nang maiahon, nabatid na walang saplot pang-ibaba subalit nakuha sa kanyang damit pang-itaas ang isang leather wallet na naglalaman ng mga identification card at dito nakita ang pangalan ni Reyes na nakasulat sa kanyang emergency contact.

Sa impormasyong nakuha ni PMSg. Roderick Magpale, na-stroke ang biktima at patay na ang kalahating katawan nito, bukod pa sa epileptic ito.

Huling nakitang buhay ang biktima, alas-4 ng hapon at bago pumunta sa kanyang doktor para sa regular check-up ay nagpaalam kay Reyes na pupunta muna sa kanyang kaibigan pero 'di na bumalik.

Ilang beses na umanong nagtangka ang biktima na wakasan ang kanyang buhay dahil sa kalagayan.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

ILANG PAGNINILAY

Ang ibang kaso ng pagpapakamatay na nabanggit sa itaas ay hinggil sa problema sa pamilya, subalit ang isang ito'y dahil di na nakayanan ang karamdaman, ayon sa ulat.

Pang-apat siya sa mga tumalon mula sa mataas na bahagi, tatlo ang nagbigti, at isa ang nagbaril sa ulo.

Wala pa akong nakakausap na sikolohista o psychologist kung paano ba mapipigilang magpakamatay ang isang tao. Maliban sa pagsasabatas ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at yaong nakasalang na panukalang batas na Youth Suicide Prevention Act o Senate Bill No. 1669.

Nakababahala. Lagi akong bumibili ng pahayagang Bulgar, Abante, Pang-Masa at iba pang diyaryong tabloid, subalit sa mga balitang pagpapatiwakal ba'y anong solusyon ang ginagawa ng mga kinauukulan? Paano ito mapipigilan upang wala nang pagpapatiwakal?

Isa ba talaga itong isyung dapat pagtuunan ng pansin?

IKAWALONG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 35 ARAW

walong tao na ang nagpasyang tapusin na
ang sariling buhay, nakapag-aalala
anong paliwanag kung pakasusuriin
dinaramdam ay di na kaya ng damdamin

wala tayong balitang ito'y nilulutas
gayong may Mental Health Law na ganap nang batas
marahil nga'y di lang iyon nababalita
ngunit mayroon pala silang ginagawa

ngunit parang wala pag may nagpatiwakal
pangwalong gumawa'y sadyang nakagigimbal
di na napigilan ang nadaramang sakit
upang ibsan ay nagpatiwakal, ang lupit

mga sikolohista'y anong matutulong
upang magpatiwakal ay di maging tugon
sa mundo'y isang beses lang tayong mabuhay
mahalagang mapigil ang magpakamatay

10.24.2024

Tuesday, October 22, 2024

Pagninilay - salin ng tula ni Asmaa Azaizeh

PAGNINILAY
Tula ni Asmaa Azaizeh
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala.
Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya 
at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon
ay lalabas sa bibig niya.
Napakasakit!

Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna
Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop.
Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay.
Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay
at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon
namatay ang aking ama.

Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula.
Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana
at dinidiktahan ako ng matatalinong tula.
Kinasusuklaman ko ang karunungan.
Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba
at nakisalo sa kanila,
subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig.
Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay
sa ituktok ng bundok.

Ako'y naging repleksyon na lang
ng isang punong hinubaran sa isang lusak sa daan.
Ako'y huwag mong hakbangan, itago mo ako sa lilim
mula sa araw na maaaring sumikat
at msumingaw ang aking katawan.
Marahil ay sasabihin ko ang aking kapayapaan.

Sasabihin ko sa iyong ang mga sakuna'y maaapula rin
pag tinigilan mong lagyan sila ng panggatong,
datapwat hindi mo ako maririnig,
at ang bundok ay mula sa pampaningas.

- sa Dabbouria, Ibabang Galillee

10.22.2024

* Si Asmaa Azaizeh ay isang babaeng makata, lumalabas sa entablado, at mananalaysay na nakabase sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng mga tula, ang Liwa, na nagwagi ng 2010 Al Qattan Foundation Debut Writer Award, As The Woman from Lod Bore Me, at Don’t Believe Me If I Talk To You of War. Si Azaizeh ang unang direktor ng Mahmoud Darwish Museum sa Ramallah simula noong 2012.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:  
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Monday, October 21, 2024

Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT IV
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

IV.

Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha.

Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon

ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon.

Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan

at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis.

May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto

ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan.

Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan

nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging

sinta ng pumatay sa kanya.

Subalit walang paraan upang ang mga luha'y mapigilan. Patuloy silang bumubuhos na animo'y baha

at sinisira ang nakahigang seremonya ng kapayapaan.

At dahil dito, para sa mapait na kapalaluan ng mga luha, hayaang italaga ang mata bilang tunay na banal

sa balat ng lupa.

Hindi tungkulin ng tula ang magpahid ng luha.

Dapat ang tula'y maghukay ng kanal upang pagdaluyan ng luha at lunurin ang santinakpan.

- mula sa A Date for the Crow

10.21.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Sunday, October 20, 2024

Manggagawa naman

MANGGAGAWA NAMAN

banner ay taas-kamaong bitbit
"Manggagawa Naman" yaring sambit
ito ang dapat nating igiit
at sa masa tayo'y magsilapit

sigaw sa mga trapo: Tama Na!
sa masa: Baguhin ang sistema!
labanan ang kuhila, burgesya
at pulitikal na dinastiya

mundo'y binuhay ng manggagawa!
subalit sila pa ang kawawa!
paano kung walang manggagawa?
lahat ng kaunlaran ay wala!

magkapitbisig tayo, kabayan!
at isigaw: "Manggagawa Naman"
at sila'y iluklok natin upang
pamunuan ang pamahalaan

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

III.

Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.

Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.

Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.

Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.

Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.

Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.

Ang kahulugan ay kaayusan.

Ang kahulugan ay nagkataon lang.

Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.

Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.

Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.

Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.

Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.

Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.

May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.

Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.

- mula sa Alanda

10.20.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Saturday, October 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Friday, October 18, 2024

Pagsusulit - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

PAGSUSULIT
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Napakahuli na ng mga aralin ng aking ina.
Matapos lahat ng dinanas namin - 
binibilang niya ang mga taon
sa tapat na pagsang-ayon sa Nakba
at ang mga binilang ko habang kagat ang aking dila -
ginigiit niyang maturuan ako, 
salita sa salita, nang agad-agad.
Wala siyang pagsasaalang-alang 
sa patuloy kong pagkataranta
o sa pagitan ng mga taon namin,
sa urbanidad na nagpaamo sa pagiging lagalag ko
at nagpakislap sa mga gilid ng aking wika.
Inuulit niya ang mga aralin nang may kalupitan
ng isang gurong naantala ang pagreretiro.
Hinahanap niya ang kanyang patpat 
sa ilalim ng kanyang bisig,
na hindi mahanap,
kaya hinampas niya ang mesang kahoy.
Isinusumpa ko ang sinumang lalaking 
magpapaiyak sa iyo, naiintindihan mo?
at walang batingaw na sasagip sa akin
bago ang pagsusulit.

- sa Haifa

10.18.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Thursday, October 17, 2024

Walang plataporma

WALANG PLATAPORMA

walang plata, pulos porma lang pala
ang tatakbong Senador na artista
na batay sa panayam ni Gretchen Ho
sa isang artistang kumandidato

pag nanalo na, saka iisipin
ang plataporma niyang nais gawin
sa ngayon daw ang kanyang tututukan
paano muna manalo'y pokusan

madali na iyon, sikat na siya
tulad nina Robin at Bong Revilla
ngalang Wille Revillame nga ngayon
ay talagang sikat sa telebisyon

subalit siya kaya'y epektibo
sa Senado o isa lang payaso
anong tingin sa isyung manggagawa
o dahil walang plataporma'y wala

paano kaya pag nakadebate
ni Willie sa isyu si Ka Leody
ano kayang masasabi ni Ka Luke
at ng masang sa kanila'y tututok

pag sila'y wagi ni Philip Salvador
na kagaya niya'y isa ring aktor
ika doon sa ulat ni Gretchen Ho
tunay ngang mas showbiz na ang Senado

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

* batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 16, 2024, p.5

Alaala - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

ALAALA
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagkakagulo ang lahat nang inagaw ko 
ang alaala ng Bedouin.
Malamang na ang binatang nakuryente 
habang nagdidilig sa kanyang bukid
ay maging asawa ng sinumang maliit na babae.
Malamang, maging parol sa karimlan 
ang kanyang mga titig 
matapos kargahan iyon ng liwanag.
Sa lahat ng maaaring mangyari'y 
pinagtaksilan ako ng alaala.
Siya ba'y binatang ikakasal 
o naantalang parol o luntiang bukirin?
Ang aking ina'y may ugaling pagparisukatin 
ang bawat detalye sa aking alaala.
Ang binata'y naging bukirin, luntiang parol,
at ang kuryente'y hindi nakarating 
sa aking nayon ni minsan.

- sa Haifa

10.17.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Wednesday, October 16, 2024

Tinanggal sa trabaho dahil mataba

TINANGGAL SA TRABAHO DAHIL MATABA

nawalan ng trabaho dahil raw mataba
kawalang respeto ito sa manggagawa
ang nangyari sa kanya'y pambihirang sadya
ang ganyang palakad ay talagang kaysama

PBA courtside reporter daw siya noon
nagtrabaho sa pinangarap niyang iyon
subalit matapos ang sampung laro roon
ay wala na siyang iskedyul nang maglaon

may kinuhang mga reporter na baguhan
na maayos din naman ang pangangatawan
wala siyang isyu sa bago't nagsulputan
nagtaka lang siya nang trabaho'y nawalan

ang mga lalaki, pinupuri pa siya
dahil maayos ang pamamahayag niya
ang babaeng lider sa network, ayaw pala
sa kanya dahil raw sa katabaan niya

ay, nakagugulat ang kanyang pagtatapat
ang nangyaring kaplakstikan ay di marapat
diskriminasyon ito kung titingnang sukat
karapatan bilang manggagawa'y inalat

kaisa mo kami, reporter Ira Pablo
mabuti't malakas ang loob mong magkwento
ipaglaban ang karapatan ng obrero
nang matigil na ang patakarang ganito

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

* PBA - Philippine Basketball Association

Kaibhan ng kapayapaan at katahimikan

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang krosword o palaisipang sinagutan ko, ang tanong sa 10 Pahalang: Kapayapaan. Naisip ko agad, Katahimikan kaya ang sagot? Sa akin kasi, magkaiba ang kapayapaan at katahimikan. Kaya sinagutan ko muna ang iba pa, pahalang at pababa, at nang matapos, ang lumabas ngang sagot ay: Katahimikan. Tila ba sa palaisipang iyon ay magsingkahulugan ang kapayapaan at katahimikan. Ang krosword na iyon ay nasa pahayagang Abante, may petsang Oktubre 16, 2024, at nasa pahina 10.

(Bago iyon, makikita sa 5 Pababa ang sagot na Ahusto, na baka akalain nating Ihusto. Ang ahusto ay mula sa salitang Kastilang ajuste na ang kahulugan ay pag-aayos, pag-aangkop o pagkakama. Mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 21.)

Sa usaping kaibhan ng kapayapaan at katahimikan, sa tingin ko'y para bang pilosopikal na ang kahulugan, na di tulad sa krosword na tingin marahil dito'y pangkaraniwan. Bakit ko naman nasabi?

Marahil, pag payapa ang isang lugar ay tahimik doon at walang pangamba ang mga tao. Subalit paano sa lugar na tahimik nga subalit ang mga tao roon ay balisa? Alerto maya't maya. Nagigising sa munting ingay ng daga o kaluskos ng butiki.

Halimbawa, sa isang lugar ng labanan, pag wala nang labanan o nagkaroon ng tigil-putukan, ramdam ng taumbayan doon ang katahimikan sa kanilang lugar. At tingin ng mga hindi tagaroon ay payapa na sa lugar na iyon. Wala na kasing naririnig na putok.

Subalit magkaiba ang kapayapaan sa katahimikan. Ang katahimikan, sa palagay ko, ay sa tainga, habang ang kapayapaan ay sa puso't diwa. Paano iyon?

Maaari kasing tahimik sa isang lugar, subalit hindi payapa dahil sa malupit na pinuno o diktador na namumuno sa lugar. Tahimik dahil wala kang naririnig na nagbabakbakan o naglalabanan, subalit hindi payapa dahil takot ang mga tao. Tahimik subalit ang kalooban ng tao'y hindi payapa. Walang kapanatagan. Tahimik subalit naghihimagsik ang kalooban.

Halimbawa, noong panahon ng batas-militar, tahimik ang lugar subalit nagrerebelde ang mga tao dahil ang karapatang pantao nila'y nasasagkaan.

Tahimik na kinukuha o dinudukot ang tao subalit ang kamag-anak nila'y hindi payapa. Laging balisa kung saan ba sila makikita. Mga iwinala. Mga desaparesidos.

Tahimik na nirarampa sa ilog ang mga tibak o mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Subalit hindi payapa ang kalooban ng mga tao, dahil maaari silang maging biktima rin ng 'salvage' na kagagawan ng mga hindi kilalang rampador.

Tahimik na kumikilos ang mga tropa ng pamahalaan, gayundin ang mga rebelde. Walang ingay na nagpaplano at naghahanda. Magkakabulagaan lang pag nagkita o nagpang-abot. Subalit habang di pa nagkakasagupaan, ramdam ng taumbayan ang katahimikan ng gabi. Subalit ang puso't diwa ng bayan ay hindi matahimik, hangga't hindi pa sumisikat ang araw ng kalayaan. Nais nila'y kapayapaan ng puso't isipan at wala nang iniisip na pangamba sa kanilang buhay.

May katahimikan sa karimlan subalit walang kapayapaan sa kanilang kalooban. Sila'y laging balisa at marahil ay hindi batid ang katiyakan ng kaligtasan ng kanilang pamilya. Madalas, nakaririndi ang katahimikan.

Kaya ang kapayapaan at katahimikan ay sadyang magkaiba. Ang kapayapaan at kapanatagan ang magsingkahulugan dahil ang puso at isip ang payapa at panatag.

Ang mungkahi kong ipalit na tanong sa 10 Pahalang ay: Kawalan ng ingay o gulo.

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN

tahimik ang lugar ngunit di payapa ang tao
subalit dapat walang pangamba ang mga ito
tahimik sila, di makapagsalitang totoo
may mga takot sa dibdib, di makalaban dito

paano ilalahad ang kanilang pagdurusa
pinatahimik na ang ibang myembro ng pamilya
tila pusong halimaw ang namuno sa kanila
anong lupit at sila'y di makatutol talaga

may katahimikan ngunit walang kapayapaan
sinagila ng takot ang puso ng taumbayan
ngunit di dapat laging ganito, dapat lumaban
lalaban sila tungo sa kanilang kalayaan

ayaw nila ng katahimikang nakabibingi
na sa diwa't puso nila'y sadyang nakaririndi
sa panahong iyon, mga nag-aklas ay kayrami
layunin nilang payapang bayan ang mamayani

10.17.2024

Tuesday, October 15, 2024

Nilay sa hibik ni Doc Ben

NILAY SA HIBIK NI DOC BEN

opo, Doc Ben, tinalikuran ng marami
ang karangyaan sa buhay upang magsilbi
sa bayan, lalo't higit ay sa masang api
at pinagsamantalahan ng tuso't imbi

pinaglilingkuran natin ang mga kapos
nilalabanan ang sistemang umuubos
sa likas-yaman ng bayan, sinong tutubos?
iyang masa bang sama-sama sa pagkilos?

upang itayo ang lipunang makatao
at madurog ang sistemang kapitalismo
upang iluklok ang mula uring obrero
at magkauri'y kumilos ng kolektibo

bakit ba gayon, salat yaong sumasamba
sa dahilan ng kanilang hirap at dusa
marangyang buhay na'y wala sa aktibista
upang ipaglaban ang karapatan nila

salat ay naghahanap ng tagapagligtas
imbes sama-samang ipakita ang lakas
lagi na lang ang hanap ng masa'y mesiyas
imbes kumilos upang sistema'y magwakas

naghahanap din po ako ng tugon, Doc Ben
dahil sistemang bulok ang siyang salarin
na sakaling ito'y mapapalitan natin
dapat na lipunang makatao'y tiyakin

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

Monday, October 14, 2024

Kawalang-malay sa pamamanglaw - salin ng tula ni Jadal Al-qasem

KAWALANG MALAY SA PAMAMANGLAW
Tula ni Jadal Al-qasem
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Pag sa iyo'y nawalay, dugo ko'y kikirot
Isang di ko batid na bahagi ang kikirot
at susubukan kong mapatay ito. O kunin ito.
Ang selulang inaasam ka'y pipintig sa akin,
at hindi ko iyon agad matagpuan,
madalas iyong magbago ng posisyon,
kaladkarin palabas sa laro,
kaysakit sa aking pakiramdam.
Lalala ang aking paningin,
hihina ang aking pandinig,
at ang aking ilong, kapara ng ilong ng aso,
ay hahanapin ang iyong amoy.
Pag dumadampi ang hangin sa aking balat,
tatarakan ng halimaw ang aking katawan at tatakas.
Kikirot yaring alaala't lalamunin yaring ulo,
maglalaho ang ulo ko subalit di mamamatay.
Ang kirot ay muling madarama ng aking ulo.
Malulungkot ako, may hindi nakikitang pakiramdam,
nangwawawasak, isang walang hanggang puspos ng pag-aalala.
At kakamkamin ng galit na kalawakan ang kanyang sarili
sa sangandaan ng buhay ko't ako'y tatanungin:
Ano ang iyong nagawa pag sinukat ang pagmamahal?
Paano mo sinasayang ang pagkalantad ng detalye?
Masasaktan ako sa tugon pati na rin sa katahimikan.
Nasusunog, patungo ako sa aking kamatayan
upang hilingin ang karapatan kong
umidlip.

- sa Ramallah

10.15.2024

* Isinilang si Jadal Al-qasem sa Sofia, Bulgaria na ang ina'y Damascene Syrian at ang ama'y Palestinian Jerusalemite. Siya'y babaeng kasalukuyang nakatira sa Ramallah. Mayroon siyang graduate degree sa democracy and human rights mula sa Birzeit University at nagtatrabaho bilang mananaliksik sa larangan ng dignidad at karapatang pantao. Ang kanyang unang koleksyon ng tula, Wheat in Cotton, ay nagwagi sa 2015 Palestine Young Poet Competition mula sa Al-Qattan Foundation.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Sunday, October 13, 2024

Nananaginip ng gising - salin ng tula ni Maya Abu Al-Hayyat

NANANAGINIP NG GISING
Tula ni Maya Abu Al-Hayyat
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Susulatin ko ang tungkol sa kasiyahan nang
sinakop ang Jenin mula sa anim na dako,
tungkol sa mga batang tumatakbo habang 
tangan ang mga lobo sa Kampo ng Am'ari,
tungkol sa kabuuang nagpapatahimik sa mga
pinadededeng sanggol ng buong gabi sa Askar,
tungkol sa isang munting dagat na maaari
nating lakarin panhik-panaog sa Tulkarem,
tungkol sa mga matang nakatitig sa mukha 
ng mga tao sa Balata,
tungkol sa isang babaeng umiindak
para sa mga nakahanay sa tsekpoynt sa Qalandia,
tungkol sa mga hinabi sa gilid ng 
mga lalaking nagtatawanan sa Azzoun,
tungkol sa iyo at sa akin
na pinupuno natin ng mga sigay
at kabaliwan ang ating bulsa
at pagtatatag ng lungsod.

- sa Jerusalem

10.14.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Hindi bulag - salin ng tula ni Taghrid Abdelal

HINDI BULAG
Tula ni Taghrid Abdelal
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Hindi, hindi gayon. Ngunit tinangay ng pag-ibig
ang isa kong mata upang angkinin, may
pangitain ang pag-ibig bago magsilang, 
na kinausap ako hinggil sa katumpakan
ng kung anong nagaganap sa mga salamin.

At pagkatapos ay nabulag ito - dahan-dahan
kaming binabad mula sa likod ng isang belo,
at hindi namin ito makita.

Isang nakabibinging hangin ang nagbulong sa akin
na ang mga hangganan ay naniniwalang 
ang espasyo'y mas maliit kaysa daigdig
mula nang iginuhit ng mga paslit 
ang globong mas maliit kaysa kanilang tahanan
at mga matang mas malaki kaysa kanilang mukha.

Dito'y bigong mahanap ng pag-ibig ang mga mata nito,
hiniram ang labi ko
para sa mas mabuting anyo.

Pag-ibig, bakit hindi ka manatili kung ano ka,
nang walang opisyal na titulo,
at nabubuhay para sa sinumang may hangad sa iyo
sa loob ng limang minuto
bago ka magpatiwakal?

Napakalupit mong
ipinahayag ang iyong pakikipagtalik
sa paraiso.

10.13.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Saturday, October 12, 2024

Mga ispesipikong detalye - salin ng tula ni Hosam Maarouf

MGA ISPESIPIKONG DETALYE
Tula ni Hosam Maarouf
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nalulunod sa oras na inilaan para sa tigil-putukan,
lumilikha kami ng mga reserbang puso
kung sakaling mawala ang puso ng bawat isa sa amin.
Hindi namin natitiyak ang halaga ng buhay
sa madulas na dalisdis,
gayunpaman, ang pag-asa'y tila hindi mabubura nang agaran.
Ang bawat sandaling detalye ng digmaan,
nakalalasong gas na hindi natin mapipigilang
dumilig sa ating mga dugo,
hindi man lang maabot ang lagim upang iitsa itong buo
sa labas ng aming mga kalamnan. Mahal na Bathala,
lumalakas ang pintig ng pagkabalisa sa loob namin
kaysa naririyang bomba, ngunit turan mo
kung paano mo hihikayatin ang sangkatauhan
na ang kagubatan ay walang tambol?
Maraming ispesipikong detalye
ang nagpapako sa ating mga paa sa lupa
habang tumatakbo nang tumatakbo ang tahanang
iniiwan ang mga bato nito (mga anak nito)
sa likuran: mga bahagi ng katawan,
mga retaso ng alaala.

— sa Gaza

10.12.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Limang ulat ng nagpatiwakal sa loob ng 18 araw

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Bulgar na madalas kong binibili, napansin kong marami ang nagpapatiwakal. Akala ko, nabasa ko na o naulit lang ang ulat, kaya hinanap ko. Hanggang matipon ko ang limang ulat. Sa loob ng labingwalong araw, may limang nagpakamatay.

Hindi ako sikolohista o psychologist, subalit ang isyung ito'y nakababahala. Noong kabataan ko, dumating din ako sa puntong nais kong magpatiwakal dahil sa kabiguan sa pag-ibig. Subalit dahil sa aktibismo, tumibay ang loob ko't paninindigan.

Tinipon ko ang limang balitang nabasa ko mula sa pahayagang Bulgar, mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 7, 2024, o labingwalong araw. (Set.30 - Set.19 ay 11 araw, kasama ang Setyembre 20 sa bilang, kaya hindi Set.30-Set.20, plus 7 araw ng Oktubre.) Wala pang tatlong linggo. 

Batay sa mga ulat sa pahayagan, sila'y nagpatiwakal, maliban kung maimbestigahang may foul play. Dalawa sa balita ay magkasama sa isang pahina.

Isa-isahin natin ang mga balita, at sinipi ko rito ang ilang talata ng ulat:

Setyembre 20, 2024:

(1) 16-ANYOS NA ESTUDYANTE, TUMALON MULA 7TH FLR. NG TENEMENT, DEDBOL

Hinihinalang tumalon mula sa ikatlong palapag ng isang gusali ang isang 16-anyos na estudyante nang bumagsak sa isang parking lot sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa saksi, habang may ginagawa siya sa loob ng bahay ay may narinig siyang nahulog mula sa itaas ng tenement na inakalang malaking bagay ang nahulog at nang silipin ay nakita ang binatilyo na nakalugmok at duguan sa parking lot.

Inireport ng saksi sa kanilang barangay ang pangyayari at ipinaalam sa Taguig Police Sub-Station 2.

May hinalang tumalon ang binatilyo dahil wala naman itong ibang kasama.

Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone.

Hindi umano residente ng tenement building ang binatilyo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

(Ulat ni Gina Pleñago)

(2) TSERMAN, NAGBARIL SA ULO SA BRGY. HALL

Patay ang isang barangay chairman matapos magbaril sa ulo sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu, Batangas.

Base sa ulat, alas-8:35 ng umaga habang nasa loob ng kanyang opisina sa barangay hall ang biktima nang makarinig ng isang putok ng baril ang mga kasamahan nito.

Tinungo nila ang opisina ng biktima kung saan pwersahan nilang binuksan ang pinto.

Laking gulat nila nang makitang nakahandusay at duguan ang biktima. May tama ito ng bala sa ulo gamit ang isang cal.45 baril na agad nitong ikinasawi.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon kung walang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Setyembre 26, 2024:

(3) BEBOT, TUMALON SA TULAY, PATAY

Nasawi ang isang teenager na babae matapos tumalon mula sa Bancal Bridge sa Brgy. San Gabriel, GMA, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima, na tinatayang nasa edad 12 hanggang 16, ay hindi pa nakikilala.

Mayroon siyang mahabang buhok at nakasuot ng pink na t-shirt at asul na jogging pants.

Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan.

Sinusubukan pa rin ng mga otoridad na tukuyin ang pagkakakilanlan ng tinedyer at inaalam ang posibleng dahilan ng pagpapakamatay.

(Ulat ni Janice Baricuatro)

Setyenbre 27, 2024:

(4) KOLEHIYALA, 'DI NAKA-GRADUATE, NAGBIGTI

Isang kolehiyala ang nadiskubreng patay at nakabitin sa kanilang silid sa Brgy. Camohaguin, Gumaca, Quezon. Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling araw nang bumulaga sa lola ang bangkay ng biktimang si alyas Rose, 23.

Agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan ang lola nito.

Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito.

Wala namang nakitang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Oktubre 7, 2024:

(5) TATAY NAGBIGTI, DEDO
Nag-send sa anak ng selfie na may cord sa leeg

Patay na nang madiskubre ang 44-anyos na technician makaraang magbigti nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Punta Sta. Ana, Maynila.

... alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ni 'Reiner' ang ginawang pagbibigti ng biktimang si 'Edmund'.

Ani 'Reiner', yayayain sana niyang mag-inuman ang biktima nang paglapit sa kuwarto nito ay may masamang amoy dahilan para sumilip sa butas sa dingding at dito nakita ang nakabiting biktima gamit ang electric cord.

Ayon sa 17-anyos na anak ng biktima, nakipag-chat umano sa kanya ang ama noong Oktubre 3 kung saan nagpadala ito ng kanyang larawan na may nakapulupot na electric cord sa leeg at nag-iwan ng mensahe na "Magiging masaya na kayo pag wala na ako."

Binalewala umano ng anak ang mensahe ng ama dahil pangkaraniwan na umano ang ginagawa nitong pagbabanta na siya ay magpapakamatay.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

ILANG PUNTO

Dalawa sa napaulat ay mga kabataang tumalon mula sa mataas na lugar upang magpakamatay. Ang isa'y edad 16 at ang isa pa'y tantiyang nasa edad 12 hanggang 16. Ang isa'y tumalon mula sa 7th flr ng isang tenement, habang ang isa'y lumundag naman mula sa isang mataas na tulay. 

Dalawa naman ang nagbigti. Ang isa'y dalagang 23 anyos na hindi umano naka-graduate kaya nagbigti, habang isa pa'y 44 anyos na technician na nagbigti gamit ang electric cord.

Ang isa naman ay nagbaril sa ulo.

Ang dalawa sa ulat ay isang reporter lang ang nag-ulat habang tatlo pang reporter ang nakapagbalita.

PAGNINILAY

Masasabi ba nating biktima ang nagpatiwakal kung siya mismo ang nagpasiyang wakasan ang sarili niyang buhay? Kung siya ay biktima, sino ang suspek?

Bakit ba nagpapatiwakal ang isang tao? Dahil ba hindi na niya makayanan ang mga matitinding problema niyang nararanasan ay nais na lang niyang wakasan ang kanyang buhay? Paano inisip ng nagpatiwakal ang kanyang magulang, kapatid, anak, mahal sa buhay? Nabigo ba sila sa pag-ibig? Wala ba silang matalik na kaibigan o best friend na mahihingahan nila ng sama ng loob? Lagi ba silang mapag-isa? Wala ba silang kaibigan?

Anong nakita sa kanila ng kanilang kamag-anak, kaklase, guro, kaibigan, o kasama sa komunidad, bago sila magpakamatay? May senyales ba kung sinong magpapatiwakal? Paano ito mapipigilan?

Silipin natin ang una at ikatlong balita, na pawang kabataan ang nagpatiwakal.. Ayon sa unang ulat, "Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone." At sumunod doon ay ang pagtalon mula sa 7th flr. ng isang tenement. Sino ang kanyang kausap? Ang pinag-usapan  ba nila ang siyang dahilan ng pagpapatiwakal?

Ayon naman sa ikatlong balita, "Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan." Bakit siya umiiyak habang kinakagat ang kuko? Napagalitan ba siya ng magulang o hiniwalayan ba siya ng kanyang pinakamamahal?

Posible bang hindi napagbigyan ang hiling ng nagpatiwakal sa kanyang kausap kaya siya nagpakamatay? Posible bang nakipag-break ang kanyang kasintahan at hindi na niya nakayanan iyon kaya nagpakamatay? Wala sa mga ulat ang kasagutan.

Sa ikaapat na ulat naman, na kabataang 23 anyos ang nagpatiwakal, ay nakasaad: "Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito." Hindi ba kinaya ng kolehiyala ang hindi niya pagkakasama sa graduation kaya naging malulungkutin siya? Nahihiya ba siyang humarap sa ibang tao, maging sa kanyang mga guro at kaklaseng naka-graduate kaya mas pinili niyang magpakamatay kaysa magpasyang sa susunod na taon na lang ga-graduate? Nahihiya ba siya sa kanyang lola, na nakakita ng kanyang bangkay, dahil pinag-aral siya nito subalit hindi siya naka-graduate? Hindi natin batid ang kasagutan.

Ang ikalawa'y kapitan ng barangay ang nagpakamatay. May kaugnayan kaya ang kanyang katungkulan kaya sa barangay hall pa siya nagpakamatay? Anong dahilan? Marahil, maitatanong ko'y nakadispalko kaya siya ng malaking salapi ng barangay na hindi niya maipaliwanag? Dahil kung usaping pampamilya naman, bakit sa barangay hall pa siya nagpatiwakal? Marahil may mas malalim na dahilan, kaya dapat itong imbestigahan.

Ang ikalimang ulat ay talagang may problema sa pamilya ang nagpatiwakal kaya planado at pinili nitong magpakamatay, na nag-iwan pa sa anak ng litratong may cord na nakatali sa leeg at ng mensaheng "Magiging masaya na kayo pag wala na ako." Nakakakilabot ang mensaheng iyon dahil tingin nito sa sarili'y pabigat lang siya sa pamilya, at marahil ay lagi pang sinisisi ng mga anak at asawa sa kanilang problema.

Sa pagbasa ko sa limang ulat na ito, na pawang nasa pahayagang Bulgar, nabubulgar na pawang pagdaramdam ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Puso o damdamin ang nananaig, saka sumunod ang isip. Nagpasiya lang ang isip dahil hindi na kinakaya ng puso ang dinaramdam.

Kaya masasabi nating ang bawat pagpapatiwakal ay sariling pasiya ng nagpakamatay dahil hindi na kaya ng damdamin nila ang nararanasan at problemang kinakaharap. Kung gayon, paano sila mapipigilang magpatiwakal kung tingin nila'y wala nang solusyon sa kanilang dinaramdam. Paano ba maiiwasan ang pagpapatiwakal?

May maipapayo ba ang ating mga sikolohista sa ganito bago pa mahuli ang lahat? Paano ba makikita o ano ang mga senyales na magpapakamatay ang isang tao at ang pasiyang pagpapatiwakal ay mapipigilan?

Kung ang intelligent quotient o I.Q. ay nasusukat, masusukat din kaya ang emotional quotient o E.Q. upang mabatid kung sinong kayang tumangan ng problema o sinong di kaya ang problema't marahil ay magpapakamatay?

ANG RA 11036 O MENTAL HEALTH LAW

Ang isyung ito ng pagpapatiwakal ay dapat talagang suriin at pag-aralan, lalo na ngayong mayroon na tayong Mental Health Law o ang Republic Act 11036. Nabatid ko ito nang makadalo ako sa forum na Orientation and Awareness on Mental Health and Well-Being, na inilunsad sa Room Pardec A and B, ng Commission on Human Rights (CHR) noong Mayo 31, 2024 mula ikasiyam ng umaga hanggang ikaapat ng hapon. Pinangunahan ang aktibidad na ito ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at ng Medical Action Group (MAG). Naging matingkad sa akin ang tinalakay ni Mam Ces De Joya, program manager ng MAG, ang sesyon sa pamamagitan ng paggamit ng metacard. Tinanong niya kami. Isulat kung saan ka masaya? At sa isa pang metacard, saan ka malungkot?

Tumimo sa aking diwa ang ikinwento niya hinggil sa isang estudyanteng babae, na sumagot din sa gayong metacard. Ang sagot ng bata, "Masaya siya pag kasama niya ang nanay niya, at malungkot siya kung wala ang nanay niya?" Marahil iisipin ng iba, mama's girl ang bata. Subalit nag-imbestiga ang mga nagtanong. Ang sagot ng bata, masaya siya pag kasama ang nanay niya, dahil pag wala ang nanay, ginagalaw pala siya ng tatay. Nakakalungkot na salaysay.

Binalikan ko ang aking kwaderno, at tinalakay din sa forum na iyon ang isyu ng Understanding the Mental Health and Well-being;  Defining Mental health and well-being;  Type of stress, coping and defense mechanism; State of mental health; at Negative effect on mental health condition: Compassion fatigue, Vicarious trauma and Burn-out.

Sa isyu ng pagpapatiwakal, may maitulong sana ang nasabing Batas Republika 11036 o Mental Health Law upang maiwasan ang ganitong desisyon ng pagpapatiwakal, lalo na't ilan sa nagpatiwakal, ayon sa ulat sa Bulgar, ay mga kabataan.

Ang isyung ito'y ginawan ko ng tula bilang pagninilay:

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW

sa ulat, lima'y nagpakamatay
sa loob ng labingwalong araw
bakit pinugto'y sariling buhay?
ang mundo na ba nila'y nagunaw?

hilig kong magbasa ng balita
ngunit ako na'y nababahala
kayraming krimen sa ating bansa
kayraming dinaanan ng sigwa

umaga pa, ako na'y bibili
ng dyaryo sa newsstand o istante
na babasahin ko lang sa gabi
o habang nagpapahinga dine

bakit ba nagpatiwakal sila?
ito ba'y basta nilang pasiya?
di ba nila danas ang sumaya?
di kinaya ang problema't dusa?

kumpara sa intelligent quotient
na nilulutas ang suliranin
nagpatiwakal ba kung isipin
kaybaba ng emotional quotient?

mababatid ba natin kung sino
ang magpapatiwakal na tao?
paano mapipigilan ito?
may magagawa pa kaya tayo?

10.12.2024

* ang mga ulat at litrato ay kuha ng makatang gala mula sa pahayagang Bulgar

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...