Wednesday, July 31, 2024

Upang magwakas ang kahirapan

UPANG MAGWAKAS ANG KAHIRAPAN

"But kings and mightiest potentates must die,
for that's the end of human misery."
~ from Henry VI, by William Shakespeare

sinulat na noon ni Shakespeare ang katotohanan
dapat elistista't burgesya'y mawalang tuluyan
nang magwakas ang pagsasamantala't kaapihan
na dinaranas ng sinuman at ng aping bayan

aniya, patayin ang mga trapo, hari't pari
silang nagpapasasa sa pribadong pag-aari
silang dahilan ng hirap ng inaaping uri
silang mapagsamantala'y sadyang kamuhi-muhi

ngunit may batas silang mga mapagsamantala
korte, senado, kongreso, pulis, ay kontrol nila
pati iyang simbahan, paaralan, at masmidya
upang mamamayang inaapi ay di mag-alsa

kaya dapat tayong kumilos tungong rebolusyon
upang mapagsamantalang uri'y mawala ngayon
kung nais nating mawala ang kahirapang iyon
dapat tigpasin ang ulo ng naghaharing leyon

baligtarin ang tatsulok, kalusin silang todo
salamat, William Shakespeare, at nauunawaan mo
gamit ang panitikan, sinulat mo ang totoo
kaya tulad kong makata sa iyo ay saludo

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Baby pisak sa nagdeliver ng ayuda

BABY PISAK SA NAGDELIVER NG AYUDA

sadyang nakaluluha ang nasabing ulat:
"Baby, pisak sa nagdeliver ng ayuda"
ang tsuper ba'y lasing at walang pag-iingat?
bakit ang ganito'y nangyayaring talaga?

di ba nakitang mag-ate ay tumatawid
patay ang sanggol na buhat ng dalaginding
sayang ang buhay, ilang luha ma'y mapahid
napakabata pa'y agad nang ililibing

ayon sa ulat, bata'y edad isang taon
ngunit nasagasaan ng rescue vehicle
na may dalang relief goods, ayuda ang layon
subalit bakit ang nangyari'y di napigil

ang biktima'y nadala pa raw sa ospital
subalit sa pinsala sa ulo't katawan
ang sanggol ay dineklarang dead on arrival
tsuper ay kinustodiya ng kapulisan

kahindik-hindik ang ganitong pangyayari
ulat na sadyang dudurog sa iyong puso
paano kung anak mo ang naaksidente
aba, puso mo'y habambuhay magdurugo

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 29, 2024, pahina 1 at 2

Monday, July 22, 2024

Pagpupugay sa pagwawagayway

PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY

isang karangalang mabidyuhan
ang pagwawagayway ng bandila
ng samutsaring mga samahan,
ng guro, obrero, masa, dukha

na ginawan ko ng pagpupugay
at tulang makabagbag-damdamin
sumusuot sa kalamnang taglay
at yaring puso'y papag-alabin

binanggit ng tagapagsalita
sa rali yaong mga pangalan
ng mga samahang ang adhika
itayo'y makataong lipunan

sa kanila, mabuhay! MABUHAY!
iyan ang tangi kong masasabi
taaskamao pong pagpupugay
sapagkat sa masa'y nagsisilbi

mabuhay kayo, mga kasama!
kayong tunay naming inspirasyon
para sa karapatan, hustisya
at lipunan nating nilalayon

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024

^ ang bidyo ay mapapanood sa: https://www.facebook.com/reel/1143756510213675

Tuesday, July 16, 2024

Tulang binigkas sa SOHRA 2024 (State of Human Rights Address)

TULANG BINIGKAS SA SOHRA 2024
(State of Human Rights Address)

bilang sekretaryo heneral nitong organisasyong
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod,
tinalakay ko sa SOHRA ang mga isyu ng dukha
sa pagtatapos ng presentasyon, binigkas ko'y tula:

"for homeless and underprivilege" batay sa Konstitusyon
ang pabahay ngunit 4PH ay kaiba ang layon
ang 4PH ay pabahay di para sa walang bahay
kundi sa may Pag-ibig at kayang magbayad ng tunay

ang presyo pa ng pabahay ay batay sa market value
kaya tubo o profit ang pangunahing layon nito
dapat batay sa CAPACITY TO PAY ng maralita
at di sa tutubuin ng kapitalistang kuhila

parang sapilitan sa dukha ang 4PH na iyan
na sa ayaw mo't gusto, tatanggalin ka sa tahanan
etsapwera na ang maralita sa lipunang ito
ay nagagamit pa upang pagtubuan ng gobyerno

ang market value ay sagka sa karapatan ng dukha
na dapat gobyerno ang sa kanila'y kumakalinga
sa mga kasama sa SOHRA, kung kayo'y may mungkahi
pagtulungan natin upang dukha’y di naduduhagi

- gregoriovbituinjr.
07.16.2024

* litratong kuha ng makatang gala, 07.16.2024
* ang SOHRA ay pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)

Wednesday, July 10, 2024

Bilyones na pondo para sa klima

BILYONES NA PONDO PARA SA KLIMA

aba'y pitongdaan walumpu't tatlong bilyong piso
na pala ang nakuhang suporta ng ating bansa
mula tatlumpu't isang development partners nito
na para raw sa climate change action plan, aba'y di nga?

may dalawampu't tatlong proyektong pangtransportasyon
National Adaptation Plan, kaygagandang salita
nariyan pa'y Nationally Determined Contribution
Implementation Plan, batid kaya ito ng madla?

siyamnapu't apat ang proyektong inisyatiba
para sa gawaing pangklima habang iba naman
ay mula raw sa pautang, pautang? aba, aba?
anong masasabi rito ng ating mamamayan?

anong tingin dito ng Freedom from Debt Coalition?
sa bilyon-bilyong pautang ba'y anong analysis?
di na ba makukwestyon kahit suportang donasyon?
anong tingin ng Philippine Movement for Climate Justice?

pabahay ng mga na-Yolanda'y kasama kaya?
sa climate emergency ba pondong ito na'y sagot?
bakit climate emergency'y di ideklarang sadya?
nawa'y pondo'y di maibulsa ng mga kurakot!

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, pahina 3

Suhol

SUHOL

pagsaludo sa taong di tumatanggap ng suhol
kung may akusasyon, sarili'y dapat ipagtanggol
matuwid magsalita, di nagkakabulol-bulol
lalo na't nasa kapangyarihan, may nanunulsol

ibig sabihin, may pabor kapalit ng salapi
dapat usisain lalo't bansa'y naduduhagi
ang akusasyon ng suhol ay dapat lang masuri
dahil pagkatao na'y may bahid pag di napawi

anong patunay ng nagbibintang sa akusasyon?
paano naman ba pasisinungalingan iyon?
lalo't sa susunod na taon na'y mid-term election
paninira ng kredibilidad ba'y nilalayon?

sino bang iuupo sa Senado at Kongreso?
o Mababang Kapulungan, sinong ipapanalo?
pag ahensya'y gumalaw dahil nasuhulan ito
aba'y kawawa naman ang totoong ibinoto!

may patas bang halalan pag may ganyang pag-uulat?
na dapat nating subaybayan baka makulimbat
ang boto ng masa't kandidato nila'y masilat
ah, buong katotohanan sana nga'y mabulatlat

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat ay headline sa pahayagang Abante, Hulyo 10, 2024
* suhol - pagbibigay ng salapi o anumang bagay sa maykapangyarihan kapalit ang anumang pabor, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1179

Ulog - Walang taong bayan sa isang lugar

ULOG - WALANG TAONG BAYAN SA ISANG LUGAR

may isang awit noong narinig ko nang bata pa
liriko: "Wala nang tao sa Santa Filomena"
sa krosword, awiting iyon ay aking naalala
Apat Pababa: Walang taong bayan, ano nga ba?

di ko alam ang tamang sagot, diwa ko'y kinapos
animo isip ko'y nilalatigo't inuulos
sinagot ang Pababa't Pahalang hanggang matapos
lumabas na sagot ay ULOG, ako'y nakaraos

tiningnan ang kahulugan sa talahuluganan
kung bakit salitang ULOG ay "walang taong bayan"
naroon: "pag-alis sa pook dahil sa digmaan..."
nilisan ng mga bakwit ang kanilang tahanan

tila istorya ng Santa Filomena ang ulog
tulad sa Marawi, buong bayan ay nabulabog
baka kabahayan at kabuhayan pa'y sinunog
dahil sa digma, pook nila'y talagang nadurog

ah, naalala ko lamang ang nasabing awitin
mga bakwit ba sa lugar nila'y nakauwi rin?
may kapayapaan na ba sa bayan nila't natin?
upang ulog ay di na larawang dapat sapitin?

- gregoriovbituinjr.
07.10.2024

* krosword mula sa Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, p.7
* ulog - 3. Sinaunang Tagalog, pag-alis o pagkawala ng mga naninirahan sa isang pook dahil sa digmaan, salot, at katulad, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.1299

Sunday, July 7, 2024

Tulaan sa pahayagang Bulgar

TULAAN SA PAHAYAGANG BULGAR

may tulaan sa Bulgar / ngayon ay nakita ko
santula'y nalathala, / magpasa kaya tayo?
O, kaysarap magbasa / pag may tula na rito
sadyang kagigiliwan, / ano sa palagay mo?

o makatang M.V. ba'y / staff ng pahayagan?
wala kasing anunsyong / magpasa ng hayagan
ano bang mawawala / kung hindi susubukan?
na bukod sa Liwayway, / Bulgar pa'y naririyan

subalit mag-ingat din, / buting magtanong muna
kung malalathala ba / ang tulang ipinasa
ano bang tulang pasok / sa kanilang panlasa
di pala malathala / tayo'y asa ng asa

ako nga'y naghahanap / ng dyaryong susulatan
kung di man maging staff / ay may mapagpasahan
kaya tulaang ito'y / akin kayang subukan
baka abang makata'y / dito dalhing tuluyan

- gregoriovbituinjr.
07.08.2024

* larawan mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 8, 2024, p.5

Saturday, July 6, 2024

Pagbebenta ng lupa sa mga dayuhan?

PAGBEBENTA NG LUPA SA MGA DAYUHAN?

sa ChaCha nga kaya ito'y ating tinututulan
dahil edukasyon, masmidya, pati kalupaan
nitong ating bansa'y pinaplanong gagawin naman
na sandaang porsyentong pag-aari ng dayuhan

subalit masa'y mayroong bagong katatakutan
ang pagbebenta umano ng lupa sa Palawan
at ibang lalawigan na bumibili'y dayuhan!
tanong natin, aling banyaga ang napagbibilhan?

inuupahan at binibili raw ay palayan
banggit sa ulat ang Nueva Ecija't Palawan
magsasaka'y natutuwa't sila'y nababayaran
ngunit seguridad sa pagkain ang tatamaan

uupahan muna'y isang ektarya ng palayan
sa presyong walumpu hanggang sandaang libo naman
ngunit simula lang ito, bibilhin kalaunan
makokontrol na nila anong itatanim diyan

ngayon nga, maraming iskwater sa sariling bayan
ay ibebenta pa ang lupa sa mga dayuhan
marapat lang isyung ito'y ating masubaybayan
bago pa tayo'y wala nang lupa't bansang matirhan

- gregoriovbituinjr.
07.06.2024

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Hunyo 30, 2024, p.1 at 2

Friday, July 5, 2024

Bawal ang bastos

BAWAL ANG BASTOS

sa nasakyan kong minibus, tawag ay ejeep
ay may paskil doong sabi'y "Bawal ang Bastos"
na mga mata ko'y agad iyong nahagip
buti't bago bumaba'y nakunan kong lubos

halos ilang segundo lamang ang pagitan
bago bumaba ako'y nakapaglitrato
kundi iyon ay mawawala nang lubusan
sa aking diwa, buti't agad nakunan ko

pagkat kayganda ng nasabing panawagan
nang mapatimo iyon sa diwa ng masa
nang mapatino ang mga manyak at bastos
na ang gawain pala nila'y may parusa

"Bawal Bastos Law" ay ganap nang sinabatas
sa hubog ng babae'y bawal nang tumitig
o tsansingan sila'y isa nang pandarahas
sa nasabing batas, bastos na'y inuusig

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

* Ang RA 11313 o "Safe Spaces Act" ay tinatawag ding "Bawal Bastos Law"

Thursday, July 4, 2024

Ang tatak sa poloshirt

ANG TATAK SA POLOSHIRT

"Nagkakaisang Lakas"
ay "Tagumpay ng Lahat!"
sa poloshirt ay tatak
ito'y nakagaganyak

upang ako'y kumilos
kahit madalas kapos
sa buhay na hikahos
naghahandang makalos

ang bulok na sistema
habang inaasam na'y
panlipunang hustisya
para sa aping masa

gabay na't inspirasyon
sa pagkilos ko't layon
ang natatak na iyon
upang tupdin ang misyon

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos tungong Mendiola, 06.12.24

Wednesday, July 3, 2024

Hinagpis ng masa

HINAGPIS NG MASA

madalas, ang masa'y naghihinagpis
sa maraming problemang tinitiis
bahay ng maralita'y inaalis
buhay ng manggagawa'y tinitiris

paghihinagpis ba'y palaisipan
dukha'y laksa't mayaman ay iilan
kayraming hirap at pinahirapan
ng sistemang tadtad sa kabulukan

ang malupit at mapagsamantala
ay dapat lamang talunin ng masa
lalo't elitista't kapitalista
ang yumuyurak sa dignidad nila

ah, di tayo dapat maghinanakit
sa mga trapo't burgesyang kaylupit
sa masa, halinang magmalasakit
upang karapatan nila'y igiit

halina't magpatuloy sa pagkilos
at maghanda sa pakikipagtuos
sa mga sakim at mapambusabos
upang sistemang bulok na'y matapos

- gregoriovbituinjr.
07.03.2024

Monday, July 1, 2024

Tinatago ang suspek sa krimen?

TINATAGO ANG SUSPEK SA KRIMEN?

anong klaseng dating pangulo ito't tinatago
ang isang suspek sa krimen na animo'y naglaho
suspek ay pastor na ginamit daw ang relihiyon
upang mga babae'y maging biktima rin niyon

bakit dating pangulo'y itinatago ang takas
na pinaghahanap ng U.S. at ng ating batas
siya pang dating pangulo't isang abogado pa
ang nagiging dahilan ng kawalan ng hustisya

baka ituring na accomplice ang dating pangulo
pagkat alam na niya'y ginagawa pang sekreto
di ba't pambababoy sa batas ang kanyang ginawa
na tila palabas na kanyang ikinatutuwa

ang sinuman ay di dapat batas ay gawing kengkoy
na batas ng bansa'y basta lang nila binababoy
dapat ipakitang ang batas talaga'y may ngipin
dakpin na yaong nagtatago ng suspek sa krimen

- gregoriovbituinjr.
07.02.2024

Pinagbatayan ng ulat:
* pahayagang Bulgar, Hulyo 2, 2024, Headline at pahina 2

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...