Friday, March 4, 2022

Tibak

TIBAK

nais kong mabuhay / nang may katuturan
na nirerespeto / bawat karapatan
ipinaglalaban / yaong katarungan
na dapat makamit / nitong mamamayan

kaya aking nais / maisulat lagi
ang pakikibaka / ng inaaglahi
kawalang hustisya'y / di na maaari
dapat nang pawiin / ang panduduhagi

ako'y isa lamang / karaniwang tao
subalit niyakap / sa puso'y prinsipyo
ng uring obrero / o ng proletaryo
babaguhin itong / nasisirang mundo

simple ang layunin, / payak na adhika
na para sa masa't / uring manggagawa
ito ako, simpleng / lider-maralita
pagbabagong nais / ay para sa madla

nais kong pukawin / bilang manunulat
itong sambayanan / ay aking mamulat
upang baligtarin / tatsulok na sukat
kung ito'y magawa / maraming salamat

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022

No comments:

Post a Comment

Pagpapa-riso ng polyeto

PAGPAPA-RISO NG POLYETO minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa pag naubusan na ng pamigay sa masa upang ipagpatuloy ang pangangampanya sa k...