Friday, February 25, 2022

EDSA 36

SA ANIBERSARYO NG EDSA PEOPLE POWER

anibersaryo ngayon ng pagbagsak ng rehimen
ng tinuring na diktador sa kasaysayan natin
at kanina'y nagtungo sa People Power Monument
kami ni misis nang kasaysayang iyon ay damhin

di ako lumiliban sa makasaysayang araw
pagkat nakasama ako ni tatay noong araw
kasama'y mga katropa niya isang tag-araw
ng Pebrero upang sa nagtitipon ay dumalaw

namigay kami ng mga pagkain sa nagtipon
mga karaniwang taong nagpuntang EDSA noon
kinaharap ang mga sundalo, baril at kanyon
upang mapatalsik ang diktador na panginoon

masang nagkatipon noon sa EDSA'y nakiisa
kabilang kami't ang mga kaibigan ni Ama
napatalsik ang diktador nang mag-alsa ang masa
tila nakamit na nga ang asam na demokrasya

wala namang pinangako ang EDSA, ang alam ko
kundi mapatalsik si Marcos ang gusto ng tao
nanawagan ang Kardinal at naging ispontanyo
binatilyo na ako noon, di pa bumoboto

pag-aalsang EDSA'y malaking tagumpay ng bayan
nang magkaisa't magkapitbisig ang sambayanan
at kasama ko si Dad sa petsang makasaysayan
kaya araw na ito sa aki'y makahulugan

- gregoriovbituinjr.
02.25.2022

No comments:

Post a Comment

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...