NAKAKAPAGOD MAN AY MAY PANAHONG MAGPAHINGA
nakakapagod din ang walong oras na paggawa
upang kumita lang ng karampot ang manggagawa
nakakapagod din ang mag-isip at tumingala
upang maisulat yaong nobelang nasa diwa
nakakapagod ding nakababad sa init ng araw
ang mgaenforcer sa trapik na di gumagalaw
nakakapagod ding sa gusali'y nasa ibabaw
ang mga construction worker na laging humakataw
nakakapagod ding sa kompyuter ay nakaharap
ingatan mo ang iyong matang laging kumukurap
nakakapagod ding abutin ang mga pangarap
ngunit magtatagumpay din sa kabila ng hirap
nakakapagod man ay may panahong magpahinga
at umuwi sa pamilya nang may bitbit na saya
nakakapagod man, kasiyahan ang mahalaga
lalo't walang sinumang inaagrabyadong kapwa
mahalagang magpahinga, bumawi ang katawan
uminom ng tubig, alagaan ang kalusugan
lalo't kailangan mong bumalik kinabukasan
tapusin ang gawa't tungkulin ay muling gampanan
- gregoriovbituinjr.
* litratong kuha ng makatang gala sa Freedom Bell sa loob ng Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon
No comments:
Post a Comment