Tuesday, April 20, 2021

Ang kahulugan ng buhay

ANG KAHULUGAN NG BUHAY

inaamin ko, dati akong makata ng lumbay
mas mahalaga sa akin ang kahulugan ng buhay,
ang pagsisilbi sa masa, iyon ang mas may saysay
kaysa pribadong pag-aari't mga yamang taglay

di ako nabubuhay para kumita ng pera
o magtrabaho nang utang ay bayaran tuwina
wala sa pangungutang at pagkita ang esensya
ng buhay, kundi ang magsilbi sa bayan, sa masa

noon nga'y tinutula ko ang samutsaring lungkot
pagkat buhay sa mundo'y tunay na masalimuot
pagkat nananahan sa bansa'y namumunong buktot
bayang pinamumugaran ng tiwali't baluktot

anong kahulugan ng pagkasilang ko sa mundo?
ang magkaroon ng laksang pag-aaring pribado?
magkaroon ng kapangyarihan, magpulitiko?
magpayaman, magpasarap, pagkatapos ay ano?

mabuti na lang, tinahak ko'y buhay-aktibista
may kahulugan ang buhay, nagsisilbi sa masa
pinaglalabang kamtin ang panlipunang hustisya
tunay na nagpapakatao't nakikipagkapwa

kaysa mauto't maging kawal ng gobyernong ganid
na tinotokhang lamang ang inosente't kapatid
ninenegosyo ang dangal, sa sama binubulid
ng sistemang bulok na dapat tuluyang mapatid

ang pakikipagkapwa ang kahulugan ng buhay
na mga pinagsasamantalahan ang karamay
lipunang makatao ang inaadhika't pakay
ako'y aktibistang kumikilos hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.

No comments:

Post a Comment

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...