Tuesday, March 9, 2021

Puksain ang virus

Puksain ang virus

nakapagngangalit ang ginagawang kataksilan
ng lintik na namumuno sa dignidad ng bayan
lalo't terorismo ang kanyang naging patakaran
at pinauso ang kawalang proseso't pagpaslang

sa kanyang rehimen, ang masa'y kaytagal nagtiis
lalo't pangulo'y walang pakialam sa due process
sabihing nanlaban, katarungan ay tinitikis
atas pa'y kung walang baril, lagyan ng mga pulis

dahil namumuno'y bu-ang, dapat siyang turukan
baka sa atas na pagpaslang ay mahimasmasan
baka dati na siyang nagtuturok kaya bu-ang
kaya paggaling niya'y huwag na nating aasahan

sige, kababaihan, pangunahan ang pagkilos
nang mawala ang virus at ang pangulong may virus
ng katopakan sa ulong naglilitawang lubos
katibayan na ang kanyang mga salita't utos

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

No comments:

Post a Comment

Pagpapa-riso ng polyeto

PAGPAPA-RISO NG POLYETO minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa pag naubusan na ng pamigay sa masa upang ipagpatuloy ang pangangampanya sa k...