Wednesday, December 17, 2025

Konsehal, kinasuhan ng kapwa konsehal

KONSEHAL, KINASUHAN NG KAPWA KONSEHAL
(Tulâ batay sa balità sa pahayagang Bulgar, isyu ng DIsyembre 17, 2025, tampok na balita, at ulat sa pahina 2)

kapwa ko pa taga-Sampaloc, Maynilà ang sangkot
sa headline ng pahayagang Bulgar ang ibinulgar
konsehala, kinasuhan ang konsehal na buktot
kung mag-isip at sa kabastuhan nitong inasal

ibinulgar sa privilege speech ng konsehala
pati ang 'yoni message' na kahuluga'y kaytindi
paghipo sa kanyang kamay ng tinawag na Kuya
na pawang kabastusan ang ipinamamarali

di iyon paglalambing kundi sa puri'y pagyurak
mabuti't ang konsehala'y matatag at palaban
kinasuhan na ng paglabag sa Safe Spaces Act
ang konsehal na umano'y sagad sa kabastuhan

marami nang mga kurakot, marami pang bastos
kailan lingkod bayan ay magiging makatao?
kayraming trapong sa buwis ng bayan ay nabusog
kailan pa titinó ang mga nabotong trapo?

kayâ tamà lang baligtarin natin ang tatsulok!
sa konsehala ng Distrito Kwatro, pagpupugay!
saludo sa tapang mong labanan ang mga bugok
nawa hustisya'y kamtin mo, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr
12.17.2025

Tuesday, December 16, 2025

Ang tungkulin bilang makatâ ng bayan

ANG TUNGKULIN BILANG MAKATÂ NG BAYAN

minsang tinuring na / makatâ ng bayan
nang tula'y binigkas / sa isang pagkilos
karangalang pag may / rali sa lansangan
patutulain ka't / dapat handang lubos

may ilang tungkuling / isinasabuhay
lalo't tinuring kang / makatâ ng bayan
pinahalagahan / kayâ nagsisikhay
nang tungkuling ito'y / sadyang magampanan

alamin ang datos / at isyu ng madlâ
sapagkat lalamnin / ng tulang gagawin
tutulâ sa rali / ng obrero't dukhâ
nang kanilang diwa't / puso'y pag-alabin

tulang karaniwang / may tugmâ at sukat
pinagbuti bawat / taludtod at saknong
madaling araw pa'y / mumulat, susulat
sa isyu ng masa / laging nakatuntong

kung may kathang tulâ / ang mga kasama
hihingi ng kopya / nang aking matipon
upang balang araw / ay maisasama
sa maraming akda't / isaaklat iyon

matinding tungkulin / subalit marangal
gagawin ng husay / ang bawat gampanin
kakathâ akong may / buong pagmamahal
na para sa bayan, / tula'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

* salamat sa kasamang kumuha ng litrato

Monday, December 15, 2025

Hinggil sa Lunsad-Aklat ng Disyembre 9

HINGGIL SA LUNSAD-AKLAT NG DISYEMBRE 9

akala ko'y lalangawin ang Lunsad-Aklat
mabuti na lamang, may dumating na tatlo
sila'y pawang sa isyu ng bayan ay mulat
kaya kagalakan ay ramdam kong totoo

sapat iyon upang mabuhayan ng loob
at magsikap pa ring magsulat at kumathâ
kahit sa trabaho'y talagang nakasubsob
tumaas ang aking moral bilang makatâ

marami ring nagsabing di makararating
sa kanila'y pagpupugay at pasalamat
iyon ay respeto na ngang maituturing
sa kanila'y naglaan na ako ng aklat

magpatuloy lang bilang makatâ ng bayan
pati sa pagsusulat ng isyu ng masa
iyan ang ipinayo sa akin ng ilan
kaya ako'y sadyang saludo sa kanila

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* nailunsad ang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa CHR noong Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day
* ngayong Disyembre 15 ang ika-150 kaarawan ng dakilang bayaning si Gat Emilio Jacinto, aka Pingkian

Ayuda ay kendi lang sa mga trapo

AYUDA AY KENDI LANG SA MGA TRAPO

heto muli tayo, malapit na ang Pasko
may ayuda muli galing sa pulitiko
regalong kendi't pera'y anong pinagmulan?
sa sariling bulsa o sa kaban ng bayan?

regalong ang ngalan ng trapo'y nakatatak
upang sa balota ba'y matandaang tiyak?
may ayuda muling ibibigay sa tao
gayong ayuda'y kendi lang sa mga trapo

pinauso nila ang kulturang ayuda
imbes na magbigay ng trabaho sa masa
imbes living wage ay ibigay sa obrero
pinaasa na lang sa ayuda ang tao

silang mga trapo'y hubaran ng maskara
baka mapansing galing silang dinastiya
iisang apelyido, mula isang angkan
namamana rin ba kung kurakot ang yaman?

matuto na tayo sa isyu ng flood control
matuto na rin tayong sa trapo'y tumutol
tanggapin ang ayudang mula buwis natin
huwag nang hayaang trapo tayo't lokohin

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Ang pinakamataas na uri ng pagmamahal

ANG PINAKAMATAAS NA URI NG PAGMAMAHAL

marami ang nagsasabing ang pinakamataas
na uri ng pagmamahal ay yaong paglilingkod
sa kapwà, kayâ kumikilos ako't nangangarap
ng lipunang patas, walang dukhang naninikluhod

upang karapatang pantao nila'y irespeto
kinikilala ang dignidad kahit sila'y dukhâ
lipunang nawa'y makamit - lipunang makatao
naglilingkod sa ating kapwà, dukha't manggagawà

walang dinastiya, oligarkiya, hari, pari
walang magsasamantala't mang-aapi sa bayan
binaligtad ang tatsulok, wala nang mga uri
walang pribadong pag-aari, wala nang gahaman

nakikipagkapwa't nagpapakatao ang lahat
ang pinakamataas na uri ng pagmamahal
sa prinsipyong ito'y wala akong maisusumbat
humayo tayo't sa kapwa'y magsilbi ng may dangal

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Tatlo sanang lunsad-aklat ko ngayong taon

TATLO SANANG LUNSAD-AKLAT KO NGAYONG TAON

tatlo sanang Lunsad-Aklat ko ngayong taon
naglunsad tig-isa ng Nobyembre't DIsyembre
una'y "Salin ng Tula ng mga Makatang
Palestino", ikalawa'y "Tula't Tuligsâ

Laban sa Korapsyon", ikatlo sana'y itong
muling lunsad ng akdang "Liwanag at Dilim"
ni Emilio Jacinto, na pinagdiriwang
ngayon ang kanyang ikasandaan-limampung

kaarawan, librong dati nang nalathala
subalit bagong edisyon, may mga dagdag
na bagong saliksik, ngunit di malathala
kinapos sa suporta, salapi't panahon

ang abang makatang sa pagkilos ay pultaym
"Liwanag at Dilim" sana'y muling malunsad
gayunman, Happy One-Hundred-Fiftieth Birthday
sa ating bayaning Gat Emilio Jacinto!

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Sunday, December 14, 2025

Kaypanglaw ng gubat sa lungsod

KAYPANGLAW NG GUBAT SA LUNGSOD

anong panglaw nitong gubat sa kalunsuran
araw-araw na lang iyan ang magigisnan
dahil ba kayraming kurakot sa lipunan?
dahil laksa ang buktot sa pamahalaan?

naluluha ako sa mga nangyayari
bansa'y mayaman, mamamayan ay pulubi
manggagawa'y kayod-kalabaw araw-gabi
habang kurakot sa bayan daw nagsisilbi

minamata nga ng matapobre ang pobre
sarili'y sinasalba ng trapong salbahe
sistema na'y binubulok, iyan ang siste
di na ganadong mapagana ang granahe

dahil sa ayuda trapo na'y iboboto
pera-pera na lang upang trapo'y manalo
kaya ngayon pa lamang ay isisigaw ko:
serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

Konsehal, kinasuhan ng kapwa konsehal

KONSEHAL, KINASUHAN NG KAPWA KONSEHAL (Tulâ batay sa balità sa pahayagang Bulgar, isyu ng DIsyembre 17, 2025, tampok na balita, at ulat sa p...