Tuesday, July 29, 2025

7M apektado sa masamang serbisyo sa tubig

7M APEKTADO SA MASAMANG SERBISYO SA TUBIG

tinumbok na ng balita ang masamang serbisyo
sa patubig, na ari ng isang mayamang angkan
sa kanila kasi'y di serbisyo kundi negosyo
ang patubig kaya naman nangyayari ang ganyan

kaya tama ang himutok ng mga maralita
manggagawa, bata, kababaihan sa kalunsuran
pati na sa malalayong relokasyon ng dukha
gayong bilang kostumer ay nagbabayad din naman

artistang si Carla Abellana'y pinuna ito
nang magpadala umano ng disconnection notice
ang kumpanya kahit walang tumutulo sa gripo
habang ang iba sa kawalang tubig nagtitiis

mas magandang kumilos na ang apektadong masa
upang isiwalat ang aba nilang kalagayan
sa kumpanya ng tubig na di ayos ang sistema
bakasakali, bakasakaling ayusin naman

- gregoriovbituinjr.
09.30.2025

* ulat mula sa Abante Tonite, 07.30.2025, p 3

Saturday, July 26, 2025

Kapraningan sa gitna ng kalasingan

KAPRANINGAN SA GITNA NG KALASINGAN

ay, mahirap kainuman
itong may mental health problem
na ating nabalitaan
sadyang karima-rimarim

kainuman lang kanina
yaong sa kanya'y pumaslang
pakikitungong maganda
asal pala'y mapanlinlang

may Mental Health Act na tayo
nakakatulong bang sadya
bakit nangyari'y ganito
talagang kasumpa-sumpa

sa bidyo mismo ng suspek
di raw niya sinasadya
tila siya may pilantik
at alamat daw ng Wawa

anong naitulong ng Act
upang pigilan ang ganyan
alak, utak, napahamak
bakit sila nagkaganyan

- gregoriovbituinjr.
07.27.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Hulyo 26, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

* Republic Act 11036 (Mental Health Act) - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, Promoting and Protecting the Rights of Persons Utilizing Psychosocial Health Services

Wednesday, July 23, 2025

Dante at Emong

DANTE AT EMONG

kapwa malakas daw sina Emong at Dante
tulad ba ng boksing nina Baste at Torre
aba'y katatapos lang ng Pacquiao at Barrios
may boksing na naman ba? o ito na'y unos?

halina't paghandaan, mga kababayan
at tayo'y huwag maging tagapanood lang
kung sinong malakas o kung sinong magaling
baha na ang maraming lugar at kaylalim

kayrami ngang sa boksing ay magkakalaban
sina Torre at Baste pa'y magsusuntukan
buti sina BBM at Trump, tila bati
habang sa taripa, ating bayan ay lugi

di magsusuntukan sina Dante at Emong
sila'y mga bagyong sa Pinas sumusulong
climate change na ito, nagbabago ang klima
climate emergency, ideklara! ngayon na!

- gregoriovbituinjr.
07.24.2025

* litrato ay tampok na balita (headline) sa pahayagang Pang-Masa, Hulyo 24, 2025

Krimen sa sanggol

karumal-dumal, karima-rimarim
ang ginawa ng ina'y anong lagim
ang kanya bang budhi'y sadyang maitim?
o kanyang pag-iisip ay nagdilim?

ayon sa balita, may diperensya
sa pag-iisip ang nasabing ina
at sa krimen ba'y mananagot siya?
sino nga ba tayo upang manghusga?

subalit ang nawala'y isang buhay
labing-isang buwang bata'y namatay
ang nangyari'y sadyang nakalulumbay
sa krimeng ito ba'y mapapalagay

ano't kay-agang nawala ng sanggol
ang buhay niya'y agad naparool

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* ang ulat ay headline (tampok na ulat) sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 23, 2025

Sa SONA

sa SONA
itsura
baha ba?
wala na?

sa SONA
problema
lutas ba?
lubog na?

sa SONA
kakanta
trapo na
wa wenta?

ay, SANA
sa SONA
ang masa
okay pa

- gbj
07.23.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth Avenue na kadalasang nilalakad ng masa patungo sa SONA

Friday, July 11, 2025

Fr. Rudy Romano, desaparesido

FR. RUDY ROMANO, DESAPARESIDO

isang pari, desaparesido
pangalan: Fr. Rudy Romano
nawala, apat na dekada na
pagkat dinukot umano siya

nawala nang apatnapung taon
di pa nakikita hanggang ngayon 
hustisya para sa kanya'y hanap
kailan kaya mahahagilap?

paring kaisa ng manggagawa 
nakibaka kasama ng dukha
tinaguyod ang kanyang mithiin
para sa mahirap ang layunin 

para kay Fr. Rudy, hustisya 
sabay nating isigaw, hustisya 

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* tulang binigkas ng makatang gala sa munting pagkilos sa harap ng CHR

Thursday, July 10, 2025

Pilipino, Palestino

PILIPINO, PALESTINO

oo, isa akong Pilipino
nakikiisa sa Palestino
na nakikibaka ngang totoo
upang paglaya'y makamtan nito

Pilipino, Palestino, tugma
nais kamtin ang sariling lupa
Palestino, Pilipino, tula
nakikibaka, dugo'y sariwa

sigaw: mula ilog hanggang dagat
Palestno'y lalaya ring lahat
sa paglaban sila na'y namulat
sana kanilang dugo na'y sapat

upang mananakop na'y magapi
upang susunod na salinlahi
ay bagong mamamayan ng lipi
kapayapaan na'y maghahari

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* litrato mula sa google

Tuesday, July 8, 2025

Tiwakal

TIWAKAL

anang ulat: "Tinakot ng online lending act"
at "Lalaki, napahiya, nagpakamatay"
dahil sa pananakot ay nawalang ganap
ang pinakaiingatang sariling buhay

bakit? may kumpanyang pinakakautangan
lagi siyang ginugulo upang magbayad
pamamahiya sa kanya ang naranasan
ang kumpanyang iyon ay dapat mailantad

kumbaga, natulak siyang buhay ay kitlin
parang pinatay siya ng mga nanakot
hina-harass siya't pinagbabantaan din
pumatay sa kanya'y ang mga nananakot

tiyak magpatiwakal ay di niya gusto
subalit wala na siyang ibang atrasan
sinong dapat tumulong sa ganitong kaso?
hustisya ba'y paano niya makakamtan?

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025

* tampok na balita (headline) sa pahayagang Bulgar, Hulyo 8, 2025, ulat sa pahina 2

Saturday, July 5, 2025

Tiyuhin pa ang nanggahasa

TIYUHIN PA ANG NANGGAHASA

di lang libog kundi mental problem?
kaya ni-reyp ang tatlong pamangkin
o marahil nakadroga man din
sa bawal na gamot ba'y alipin?

naibulgar ay kaytinding ulat 
tatlong totoy ang ni-reyp ni uncle
epekto raw ng marihuwana
kaya nagawa iyon ng suspek

pamangkin niya'y tatlong lalaki
ang akala ko'y pawang babae
statutory rape ang kinaso
kaya siya na'y kinalaboso

kahindik-hindik iyang balita
tatlong pamangkin ang ginahasa
sadyang walang budhi ang gumawa
na talaga ngang kahiya-hiya

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

* tampok na balita (headline) sa pahayagang Bulgar, Hulyo 5, 2025, at ulat sa pahina 2

Kung may humanitarian mission sa Palestine

KUNG MAY HUMANITARIAN MISSION SA PALESTINE kung may humanitarian mission sa Palestine nais kong maging boluntaryo sa gawain pagkat ito'y...