PAGPAPA-RISO NG POLYETO
minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa
pag naubusan na ng pamigay sa masa
upang ipagpatuloy ang pangangampanya
sa kandidatong prinsipyado't makamasa
dalawang kandidatong pag-asa ng bayan
matitinding kalaban ng katiwalian
kakampi ng manggagawa, di ng mayaman
kasangga ng maralita, di ng gahaman
Ka Leody de Guzman at Luke Espiritu
ang ating pambato sa loob ng Senado
dapat natin silang ikampanya ng todo
ang kanilang plataporma'y nasa polyeto
ipabasa sa higit na nakararami
at ipaunawa ang kanilang mensahe:
huwag iboto ang political dynasty
sa Senado, boses ng masa, magsisilbi
kaya polyeto nila'y ipina-riso rin
nang madagdagan ang ipamimigay namin
buti't may salaping sa bulsa'y bubunutin
upang sa pangangampanya'y di kukulangin
- gregoriovbituinjr.
02.28.2025