ISAMA ANG KARAPATANG PANTAO AT KALIKASAN SA PANATANG MAKABAYAN
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bilang masugid na mambabasa ng magasing Liwayway, nabasa ko sa kolum ni Sir Pat V. Villafuerte sa Liwayway, isyu ng Abril 2023, pahina 35-37, ang hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Dahil dito'y agad kong sinaliksik ang mismong DepEd Order No. 004 na kanyang binanggit, kung saan mada-download ang kopyang iyon sa kawing na
https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DO_s2023_004.pdf.
Nitong Pebrero 14, 2023, kasabay ng Araw ng mga Puso, ay inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon ang dalawang pahinang DepEd Order No. 004, hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Nilagdaan ito ni VP Sara Z. Duterte, kalihim ng DepEd.
Ayon sa Talata 1 ng nasabing Order, sa pamamagitan ng Batas Republika Blg, 1266, na kilala ring An Act Making Flag Ceremony Compulsory in All Educational Institutions, binibigyan ng awtorisasyon ang Kalihim ng Edukasyon na mag-isyu ng mga alituntunin at patakaran (rules and regulations) para sa tamang pagsasagawa ng seremonya o pagpupugay sa watawat (flag ceremony).
Nabanggit naman sa Talata 2 ang Batas Republika Blg, 8491, na kilala ring Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Sa Talata 3 ipinaliwanag ang sanhi ng pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Sa inisyatiba ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Teaching (OUCT), maraming organisasyon ang kinonsulta hinggil sa pagbabago ng terminolohiya o salita sa Panatang Makabayan. Ang pag-amyenda ay batay sa pagpapalit ng nagdarasal sa nananalangin. Dahil mas wikang Filipino raw ang nananalangin kaysa nagdarasal, at hindi nakabatay sa relihiyon, kundi kasama na rin ang paniniwala ng mga katutubo.
Gayunpaman, nakikita kong may kakulangan pa sa Panatang Makabayan, dahil hindi nababanggit ang paggalang sa karapatang pantao, na palagay ko'y dapat ilagay bilang makabayan, at ang pangangalaga sa kalikasan.
Ito ngayon ang buong katitikan ng Panatang Makabayan:
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan;
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.
Noong bata pa ako'y iba ang nakatitik, na medyo kabisado pa ng marami kong kapanahon, na binanggit din sa kolum ni Sir Pat Villafuerte:
Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang.
Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang
Makabayan at masunurin sa batas.
Paglilingkuran ko ang aking bayan
Nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino
Sa isip, sa salita at sa gawa.
Sa bagong Panatang Makabayan, maraming nabago, tulad ng nawala ang pagiging tunay na Pilipino, at masunurin sa batas. Subalit nais kong mag-ambag kung sakaling aamyendahan muli ang Panatang Makabayan. Dapat maisama ang paggalang sa karapatang pantao, at ang pangangalaga sa kalikasan, na marahil ay ganito ang kalalabasan:
Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.
Kaya inaanyayahan ko ang iba't ibang pambansang samahan sa karapatang pantao at kalikasan, na magtulong-tulong upang ipasok ang mga salitang "gumagalang sa karapatang pantao at nangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan. Mabuti pang bata pa lang sila ay batid na nila kung ano ang karapatang pantao, at bakit sa nagbabagong klimang nararanasan ng daigdig na hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri Celsius ang pag-iinit pa ng mundo, ay dapat maukit na sa isipan ng mga kabataan ang pangangalaga sa nag-iisa nating mundo, ang Earth. There is no Planet B, ika nga nila.
Maaari nating ihain ang mungkahing ito sa mga kakampi natin sa Kongreso, tulad ni Congressman Edcel Lagman, na isa sa naghain ng panukalang batas na Human Rights Defenders (HRD) Protection Bill, na gawan ng panukalang batas na isama ang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan.
Kaya sa mga kilala kong samahan ng karapatang pantao at samahang makakalikasan, nawa ito'y bigyang pansin. Tinatawagan ko ng pansin ang mga samahang kilala ko at di pa kilala, tulad ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), PhilRights, Families of Victims and Involuntary Disappearance (FIND), Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy (Green Convergence), Rights of Nature Ph, GreenPeace Philippines, Haribon, Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College, Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Makakalikasan Party, Partido Lakas ng Masa (PLM), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Teacher' Dignity Coalition (TDC), Commission on Human Rights (CHR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at marami pang iba.
Maaaring sa ngayon ay hindi basta maisingit ang "paggalang sa karapatang pantao" sa Panatang Makabayan, bagamat maaaring mailagay ang "pangangalaga sa kalikasan" dahil ang Kalihim ng DepEd ay anak ng dating Pangulong Duterte, na nagpasimula ng madugong drug war na sanhi ng maraming kamatayan o pagpaslang, tulad ng nangyari sa estudyanteng si Kian Delos Santos, na diumano'y huling sinabi sa mga pulis ay "Huwag po. May exam pa ako bukas..." subalit siya pa rin ay pinaslang.
Gayunpaman, maganda na itong itanim sa kasalukuyang henerasyon upang dumating ang panahon na mailagay din sa Panatang Makabayan ang mga salitang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan".
Panghuli, taospusong pasasalamat sa retiradong guro ng Philippine Normal University (PNU) sa kanyang kolum kaya nabatid natin na may amyenda pala sa Panatang Makabayan. Muli, salamat, Sir Pat! Mabuhay ka!
Mayo 4, 2023, Lungsod Quezon