Monday, August 15, 2022

Nakalalasong butete

NAKALALASONG BUTETE

nakabibigla ang isang ulat
na mula sa malayong probisya
nalason sa butete, minalas
anim na anak at mag-asawa

iniluto ang isdang butete
o buriring, siyang inalmusal
makalipas ang ilang sandali
isinugod sila sa ospital

nahilo kasi't nawalang malay
pagkat sila na pala'y nalason
di mo masabing ganyan ang buhay
kung bumagsak ka't di makabangon

may nakalalasong bahagi raw
ang isdang butete o buriring
na dapat tanggalin habang hilaw
lutuing mabuti saka kainin

maiging ganito'y nabalita
upang ito'y mabatid ng bayan
upang sa pagkain nito'y handa
nang pamilya't kapwa'y maingatan

- gregoriovbituinjr.
08.15.2022

* Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.22, p. 2

Thursday, August 11, 2022

Anim na oras na trabaho kada araw

Sigaw ng maralita:
ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW

anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha
upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa
bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa:
“TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!”

sigaw na nila: TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS!
kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras
sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras
ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas?

mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho
tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero
kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo
di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho

tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya
upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa
sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya
at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* litrato mula sa blog ng KPML

Wednesday, August 10, 2022

Walden

WALDEN

aba'y laman siya ngayon ng mga pahayagan
siyang binabaka yaong nakaambang karimlan
siyang lumalaban sa mga kasinungalingan
siyang matapang na ihayag ang katotohanan

tangan kaya ng anak ng diktador ang pambura?
ng kasaysayang nais nilang mabago talaga?
katotohanan kaya'y tangan ba naman ng masa?
ayaw mabaluktot ang naganap na diktadura?

dudurugin ang estratehiya ng mandarambong
at mga halimaw na sa bayan ay gumugunggong
huwag hayaang kumalat ang fake news o halibyong
huwag hayaang bayan ay punuin ng linggatong

sa panahon noon ng ama, ikaw na'y napiit
kumilos para sa karapatan ng maliliit
isinulong ang adhikain at lipunang giit
sa panahon ngayon ng anak, muli kang napiit

ituloy mo ang laban, inspirasyon ka sa amin
habang ipinaglalaban mo'y tinutuloy namin
taas-kamaong pugay sa tangan mong adhikain
pagkat magkasangga nating lalabanan ang dilim

- gregoriovbituinjr.
08.10.2022

Tuesday, August 9, 2022

Paglalaba sa kanal

PAGLALABA SA KANAL

binidyuhan ko lang nang makita
ang isang matandang naglalaba
sa tubig ng kanal, sa bangketa
dahil tubig ba'y libre talaga?

kita kong malakas ang pag-agos
ng tubig, baka kaya nilubos
ng matanda, paglaba'y rinaos
lalo't sa buhay siya'y hikahos

bakit kanal ang nilabhang lubha?
nitong matandang tingnan mo't dukha?
kawawang buhay ng maralita
baka wala pang bahay si Tanda

ayoko pang tingnan siyang baliw
kundi sa pagbidyo pa'y naaliw 
matandang kapara'y basang sisiw
na marahil iniwan ng giliw

- gregoriovbituinjr.
08.09.2022

* ang bidyo na 15 segundo ang haba ay nasa kawing na: https://fb.watch/eOd7NSrM28/

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...