Thursday, July 28, 2022

Hatid

HATID

wala ka raw doon noong panahon ng marsyalo
anang matanda't makagintong panahon sa iyo
wala rin tayo noong panahon ni Bonifacio
panahon ni Julius Caesar ay nabasa lang ito

marsyalo, wala ka pa nang karapata'y siniil
maganda raw ang gintong panahon, anang matabil
ay, wala rin tayo nang si Bonifacio'y kinitil
noong Romano sa kapangyariha'y nanggigigil

inihahatid ka sa nais burahing gunita
na sa katotohanan ay wala kang mapapala
payag ka bang kasaysayan ay sinasalaula?
upang krimen nila sa baya'y mapawi't mawala?

dapat lang nating ipaglaban ang dangal ng bayan
ang gunita ng dinahas, iwinala't pinaslang
di dapat halibyong ang umiral sa kasaysayan
katotohanan ay huwag ihatid sa kawalan

- gregoriovbituinjr.
07.29.2022

halibyong - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.426

Tuesday, July 26, 2022

Pagsulong

PAGSULONG
10 pantig bawat taludtod

kumakalat na ang alimuom
at tumitindi ang halibyong
kaharap man natin ay linggatong
maging positibo sa pagsulong

- gregoriovbituinjr.
07.26.2022

talasalitaan
alimuom - tsismis, ayon kay national artist poet Rio Alma
halibyong - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino
linggatong - ligalig, nabanggit sa Florante at Laura ni Balagtas

Sunday, July 17, 2022

Tsismis ay alimuom

TSISMIS AY ALIMUOM

tsismis ay alimuom, anang Rio Alma
sa isang sanaysay niyang aking nabasa
na iniulat naman ni Ambeth Ocampo
na sa ngayon ay binabanatan nang todo

mas matindi pa raw sa pakpak ng balita
yaong alimuom, sabi pa ng makata
singaw galing sa lupa matapos ang ambon
o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon

historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz
tila ba turo sa paaralan ay kapos
dapat sa historya'y may fact check at batayan
di basta narinig, iyon na'y kasaysayan

ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin
di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin
maraming dapat gawin kung ganyan ang batid
ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Talasalitaan:
alimuom - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34
tsismis - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Tagaiku

TAGAIKU

nais kong kathain ay TAGAIKU
animo'y kalahating soneto
ah, kaygandang kumbinasyon nito
pinagsama ang TAnaGA't haIKU

tanaga'y tigpipito ng pantig
sa saknong ay magkakapitbisig
haiku'y lima-pito-limang pantig

puntirya ko'y bulok na sistema
tinitira'y tuso't palamara
paksa't pangarap para sa masa'y
kamtin ang panlipunang hustisya

halina't subukang mag-TAGAIKU
at ilatag ang angking prinsipyo
habang tayo pa'y nasa huwisyo

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Saturday, July 16, 2022

Mamon

MAMON

bakit ayokong kumain ng mamon?
mas nais ko pa'y pandecoco, monay,
ensaymada, pandesal, anong tugon?
ngunit mamon? ako'y di mapalagay...

dahil ba sa lasa'y tinatanggihan
ang mamon upang meryendahing tunay?
dahil ba malagkit sa lalamunan?
di ba masaya't malasang tinapay?

ako'y aktibistang babad sa rali
makatang sa bayan ay nagsisilbi
minsan sa isang pagkilos nahuli
sinubo sa aki'y mamon, malaki

pinasok sa bibig kong sapilitan
nang kamao'y bumaon pa sa tiyan
habang bibig ko'y kanilang tinakpan
santimbang tubig ang sumunod naman

namilipit ako, di kaya iyon
kaya di nagmamamon mula noon
nagbabalik ang matinding kahapon
pandecoco na lang, huwag lang iyon

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022

Wednesday, July 13, 2022

Kadastro

KADASTRO

ilang beses kong narinig sa usaping palupa
ang salitang KADASTRO sa isyu ng maralita
na sa pananaliksik pala'y salitang Kastila

ang sukat ng lupa sa lungsod at sa lalawigan
ay nasusulat sa kadastro na isang talaan
na iniingatan sa nakatalagang tanggapan

kaya sa isyung pabahay ng kapwa mahihirap
ang usaping ito'y dapat mabatid naming ganap
lalo't ipinaglalaban ang tahanang pangarap

magkaroon ng bahay ay karapatang pantao
ngunit bawat metro kwadrado ng lupa'y magkano
mura sa malayo, mahal na pag may market value

aaminin ko, na di pa ako nakakakita
ng kadastro sa pampamahalaang opisina
na sa aking haraya, ito ba'y matriks o mapa?

nakita ko dati ay mapa ng lugar, may sulat
nakadrowing ang lupa, marahil may mga sukat
iyon ba'y kadastro, kung hindi pa, daghang salamat

- gregoriovbituinjr.
07.14.2022

* litrato mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 539

Tuesday, July 12, 2022

Lingo

LINGO

limang piso lang ang bigay ni Tatay, naholdap pa
sa underpass ng Kiyapo, ah, nabigla talaga
wala nang pamasahe't baon, at nanginginig na

natigilang ilang saglit, di alam ang gagawin
sa gayong kalagayang di ko sukat akalain
ngunit ang holdaper, pagkatulala ko'y napansin

kaya sisenta'y singko sentimos na pamasahe
ang inabot sa akin nang ako'y makabiyahe
marahil, upang di rin mapansin ang insidente

umiyak ba ako? baka... di ko na naramdaman
basta alam ko'y nakapasok pa ng paaralan
ah, isa iyong di malilimutang karanasan

hayskul ako noon, persyir o nasa unang antas
nang maganap ang pagkaulalo ng mandurugas
na baka di nangyari kung lipunan sana'y patas

- gregoriovbituinjr.
07.12.2022

lingo - (1) pataksil na pagpatay, asasinato; 
(2) panghaharang sa daan upang magnakaw, holdap; 
mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 705

Sunday, July 10, 2022

Aanhin ko

AANHIN KO

aanhin ko ang magandang buhay sa laya
kung kalayaan ng uri't bayan ay wala
mas nais kong kumilos para sa adhika
tungo sa lipunang makatao ngang sadya

aanhin ko ang sinasabing karangyaan
kung sa burgesya't kuhila'y sunud-sunuran
kung manggagawa'y napagsasamantalahan
kung karapatang pantao'y niyuyurakan

aanhin kong naroroon sa toreng garing
na dinadakila sa tula'y trapo't praning
mabuti pang tumula sa masa't marusing
kaysa malinis daw ngunit budhi'y kay-itim

inaamin ko, ako'y isang aktibista
sa panulat at lansangan nakikibaka
pinaglalaban ang panlipunang hustisya
na buhay na'y alay para sa uri't masa

- gregoriovbituinjr.
07.10.2022

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...