Wednesday, June 29, 2022

Organisado

ORGANISADO

epektibong tugon daw sa organisadong ganid
ay organisadong unyon, sa t-shirt ng kapatid
na manggagawa nakatatak, nang ating mabatid
naalala ko si Neri sa kanyang "moderate greed"

organisadong kasakiman ng tusong kuhila
at ng burgesya't uring mapagsamantalang lubha
sa bunga ng paggawa'y bundat at nagpakasasa
organisadong unyon ang tugon ng manggagawa

O, manggagawa, magkaisa't magtayo ng unyon
makabubuti ang pagkakapitbisig n'yo ngayon
pangalagaan ang karapatan ang inyong tugon
sa mga mapagsamantalang bwitre kung lumamon

lampas sa pagiging unyon ay maging makauri
upang mapang-aping sistema'y baguhin, magapi
lipunan ng manggagawa'y itayo, ipagwagi
organisahin ninyo ang sarili bilang uri

- gregoriovbituinjr.
06.30.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pulong ng mga manggagawa 

Monday, June 27, 2022

Tugâ

TUGÂ

tugâ - pagbugbog sa isang tao para umamin
anang U.P. Diksiyonaryong Filipino natin
paaminin sa anumang sala o pakantahin
na nabatid kong salita sa pelikula na rin

akala ko nga'y islang o pabalbal na salita
ngunit mula palang Bikol at Tagalog ang TUGÂ
kahulugan ay tortyur, pagmamalupit ngang sadya
nahuli'y pinatutuga nang dumulas ang dila

kung tortyur ay tugâ, ayon sa talahuluganan,
pag ating inisip ay magkaiba pa rin naman
tortyur ay pagmamalupit, katawa'y sinasaktan
tuga'y pagpapaamin sa anumang nalalaman

ngunit magkahulugan dahil iisa ng layon
pinatutuga upang pakantahin na paglaon;
gayunman, may Anti-Torture Law nang batas sa nasyon
kaya dapat itigil na ang panonortyur ngayon

- gregoriovbituinjr.
06.28.2022

tugâ - torture, mula sa UPDF, pahina 1282

Tortyur

TORTYUR
tulang alay sa International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26

matitindi ang pananakit
o pagtortyur ng malulupit
sa nahuhuling maliliit
na karapata'y pinagkait

bakit ba tinotortyur sila?
upang alam nila'y ikanta?
upang di alam ay ibuga?
sinaktan, patugain sila?

anong tingin natin sa tortyur?
ah, que barbaridad, que horror!
ito'y di makataong hatol
sa ganito'y dapat tumutol

di makatao, kalupitan
panlipunang hustisya'y nahan?
respetuhin ang karapatan
ang wastong proseso'y igalang

- gregoriovbituinjr.
06.27.2022

* litratong kuha sa Bulwagang Diokno sa CHR matapos ang isang aktibidad

Sunday, June 26, 2022

Dagok

DAGOK

paano ba natin ginagalang ang mambabasa
kung kathang tula sa kanila'y nakakaumay na
may isyu't mensahe kang nais mong mabatid nila
subalit tula mo'y may talinghaga't kariktan ba?

may adhikain ang makatang isinasabuhay
sa ilalim ng tanglaw ng musa napagninilay
na bago pa siya hiranging kalaban at bangkay
mensahe'y ipaalam, masa'y pakilusing tunay

kalikasan, kapaligiran, kariktan, katwiran 
talinghaga, manggagawa, nagdaralita, bayan
lansangan, karapatan, katarungang panlipunan
sinuman, anuman, saanman, paano, kailan

bihirang may mag-like sa mga tula ko sa pesbuk
tanda bang ako'y dapat tumigil, di ko maarok
patuloy lang ako sa pagkatha, ito ma'y dagok
baka may mamulat sa sistemang di ko malunok

- gregoriovbituinjr.
06.26.2022

Thursday, June 23, 2022

Alagata

ALAGATA

pumatak na naman ang ulan habang nakikinig
ng talakayan sa zoom na halos di na marinig
ang tagapagsalita sa tinuran niyang tindig
hinggil sa ilang isyung pambayan at pandaigdig

may bagyo ba? anong pangalan? hanggang pinasok ko
ang mga damit na nakasampay sa labas, dito
ko naalagata paano tutugon ng wasto
hinggil sa papainit na klima sa ating mundo

isinuot ko ang naitagong pantalong kupas
na alaala ng kabinataan kong lumipas
habang pang-itaas ay kamisetang walang manggas
nasa diwa yaong pagtahak sa putikang landas

gabi, naririto't di pa rin dalawin ng antok
ang pusa'y nag-aabang sa labas, may inaarok
ako, mailalagay kaya ang dukha sa tuktok?
marahil, kung mapapalitan ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
06.23.2022

Wednesday, June 22, 2022

Halibyong

HALIBYONG

mga balita'y pinapaganda
iniba ang totoong istorya
ginawa itong kaaya-aya
puro paganda ang propaganda 

gintong panahon ng palamara
at mga gawa-gawang pantasya
ay agad kinapitan ng masa;
may nakita ba ritong pag-asa?

katotohana'y nayurakan na
ng halibyong na masa'y puntirya
na tila pulido ang sistema
at maayos nilang nakamada

nagbabalik ba ang diktadura?
ang madla kaya'y nakalimot na?
sa nakaraan nilang historya't
kawalan ng asam na hustisya?

- gregoriovbituinjr.
06.23.2022

halibyong - fake news, pagkukuwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 426

* ang litrato'y selfie ng makatang gala sa painting gallery ng isang mall

Saturday, June 18, 2022

Bayani

BAYANI

bayani ang ating mga ama
kaya pagpugayan natin sila
sa mga nagawa sa pamilya
minahal ang anak at si ina

si Rizal, ating bayaning tunay
na sa bayan, buhay ay inalay
at bayani rin ang mga tatay
na buhay sa pamilya inalay

Rizal, pambansang bayani natin
tulad ng bayaning tatay natin
ang lahat ay kanilang gagawin
upang magandang bukas ay kamtin

kay Rizal at sa lahat ng tatay
salamat sa buhay ninyong alay
kami'y taospusong nagpupugay
sa inyo po, mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.19.2022

* mga litrato mula sa google

Thursday, June 16, 2022

Tirisin ang mga linta

TIRISIN ANG MGA LINTA

tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Attorney Luke
sa kanyang mga talumpati, nakagagalit nga!
ang manpower agency pala kung ating maarok
ay lintang maninipsip ng dugo ng manggagawa

silang sanhi bakit mayroong kontraktwalisasyon
manpower agencies na kumukubra sa kumpanya
gayong di naman parte't walang ambag sa produksyon
nagkukunwaring employer, mga linta talaga!

employer-employee relationship dito'y tinanggal
nang walang kahirap-hirap, kumikitang kaytindi
kaya kontraktwal ay pwedeng matanggal sa prinsipal
dahil empleyado kuno ng manpower agency

iyang kontraktwalisasyon ay mawawakasan lang
pag mga manpower agencies ay isarang sadya
upang sa pag-eempleyo'y wala nang nanggugulang
at maging regular at direct-hired ang manggagawa

tunay na security of tenure law, isabatas
kung saan manpower agencies ay di na iiral
kung saan palakad sa trabaho'y magiging patas
kung saan manggagawa'y tunay na mareregular

manpower agencies, maninipsip ng dugo't pawis
ng manggagawa, tanggalin ang mga lintang iyan!
dapat na silang buwagin at tuluyang matiris
upang kontraktwalisasyon ay tuluyang wakasan

- gregoriovbituinjr.
06.17.2022

Ang mukha ng ating kababaihan

Ang Mukha Ng Ating Kababaihan
tula ni Nâzım Hikmet Ran
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi isinilang ni Maria ang Diyos.
Hindi si Maria ang ina ng Diyos.
Isang nanay lang si Maria sa maraming ina.
Isinilang ni Maria ang isang lalaki,
isang anak sa marami pang mga anak.
Kaya naman napakarikit ni Maria sa lahat ng kanyang larawan.
Kaya naman napakalapit ng anak ni Maria sa atin, tulad ng sarili nating mga anak.

Ang mukha ng ating mga kababaihan ang aklat ng ating pasakit.
Ang ating pasakit, ang ating pagkakamali at ang ating dugong ibinubo
na nag-ukit ng mga pilat na tila araro sa mukha ng ating kababaihan.

At makikita ang ating kagalakan sa mga mata ng kababaihan
tulad ng bukangliwayway na nagniningning sa mga lawa.

Ang ating haraya ay nasa mukha ng mga babaeng mahal natin.
Makita man natin sila o hindi, sila'y nasa ating harapan,

na pinakamalapit sa ating reyalidad at pinakamalayo.

* isinalin 06.16.2022
* litrato mula sa google
* tula mula sa Nâzım Hikmet Archive

The Faces of Our Women
by Nâzım Hikmet Ran

Mary didn't give birth to God.
Mary isn't the mother of God.
Mary is one mother among many mothers.
Mary gave birth to a son,
a son among many sons.
That's why Mary is so beautiful in all the pictures of her.
That's why Mary's son is so close to us, like our own sons.

The faces of our women are the book of our pains.
Our pains, our faults and the blood we shed
carve scars on the faces of our women like plows.

And our joys are reflected in the eyes of women
like the dawns glowing on the lakes.

Our imaginations are on the faces of women we love.
Whether we see them or not, they are before us,

closest to our realities and furthest.

Tuesday, June 14, 2022

Ang paskil sa traysikel

ANG PASKIL SA TRAYSIKEL

"Huwag ka nang lumuha." Tila iyon ang mensahe
sa paskil sa traysikel na aking nasakyan dine.
"Hindi nakakamatay yung walang jowa," ang sabi
aba'y tama naman, ngunit kasunod ang matindi:

"Ang nakakamatay eh yung wala ka nang makain."
Sapul! Kaya huwag mong iluhang di ka ligawin
kaya wala ka pang syota o dyowang maaangkin
mag-ayos ka ng sarili't magkakaroon ka rin

huwag mong basta tanggaping ganyan kasi ang buhay
na kung wala kang dyowa'y maghihimutok kang tunay
paghusayin mo kung saan ka talaga mahusay
maging mabuti sa kapwa't kakamtin din ang pakay

wala mang nag-aalaga, kumakain ang maya
ngunit ingat, naghihintay ang pangil ng buwaya;
habang may buhay, may pag-asa, kumain ka na ba?
kung hindi pa, magsalo tayo sa aking meryenda

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

Monday, June 13, 2022

Pakiusap

PAKIUSAP
ni Nâzım Hikmet
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hugis ulo ng buriko ang bansang ito

Na dumatal ng kaytulin mula sa malayong Asya

Upang mahatak tungo sa Mediterranean

ATIN ANG BANSANG ITO.

Mga pulsong duguan, ngiping nagngangalit

talampakang walang gayak,

Lupaing tulad ng alpombrang sutla

ANG IMPYERNONG ITO, ANG PARAISONG ITO'Y ATIN.

Hayaang nakapinid ang mga pintuang pag-aari ng iba

Huwag na nilang buksan pa itong muli

Alisin ang pagkaalipin ng tao ng tao

ATIN ANG PAKIUSAP NA ITO.

Upang mabuhay! Tulad ng punong nag-iisa at malaya

Tulad ng gubat sa pagkakapatiran

ATIN ANG PAGNANASANG ITO.

* isinalin sa petsang 06.13.2022
* hinalaw mula sa kawing na https://www.marxists.org/subject/art/literature/nazim/plea.html
* litrato mula sa google
.
.
.
PLEA
by Nazim Hikmet

This country shaped like the head of a mare

Coming full gallop from far off Asia

To stretch into the Mediterranean

THIS COUNTRY IS OURS.

Bloody wrists, clenched teeth

bare feet,

Land like a precious silk carpet

THIS HELL, THIS PARADISE IS OURS.

Let the doors be shut that belong to others

Let them never open again

Do away with the enslaving of man by man

THIS PLEA IS OURS.

To live! Like a tree alone and free

Like a forest in brotherhood

THIS YEARNING IS OURS.

Sunday, June 12, 2022

Malaya nga ba?

MALAYA NGA BA?

malaya nga ba ang bayan sa bulok na sistema?
ngunit api pa rin ang manggagawa't magsasaka?
naririyan pa rin ang tuso't mapagsamantala
nananatili pa ring nasa tuktok ang burgesya
habang kayrami pa ring naghahanap ng hustisya!

laganap pa rin ang salot na kontraktwalisasyon
na di magawang regular ang manggagawa roon
silang nagpaunlad ng ekonomya'y bakit gayon?
di mabayarang tama ang lakas-paggawa niyon
ganyan ba ang malayang bansa? ang malayang nasyon?

magsasaka'y lumilikha ng pagkain ng bayan
silang babad sa lupa'y bakit naghihirap naman
sila ang nagtatanim ng palay sa kabukiran
kaymura ng kilo ng palay, hindi makatwiran
at kaymahal ng kilo ng bigas sa pamilihan

malaya nga ba ang bayan pag ganyan ang sistema?
lupang ninuno'y puntirya, hari'y kapitalista
gobyerno'y walang kontrol sa presyo, hirap ang masa
laya ba'y ano? pag dayuhan ay napalayas na?
laya ba'y ano? pag wala nang mapagsamantala?

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 06.12.2022

Monday, June 6, 2022

Tulos

TULOS

magtutulos ako ng kandila
para sa mga biktimang sadya
ng martial law, sila'y ginunita
sa Bantayog, bayani ng madla

nasaan na nga ba ang hustisya
para sa kanilang nakibaka
para sa lipunang nais nila
lipunang malaya, makamasa

asam ay lipunang makatao
patas yaong batas at gobyerno
karapatan ay nirerespeto
panlipunang hustisya'y totoo

ang kandilang aking itutulos
ay tandang hustisya'y niyayapos
malayang bayan, walang hikahos
wala ring api't binubusabos

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Wednesday, June 1, 2022

Kuro

KURO

mapait maging pangulo ng kasinungalingan
nasa katuturan ba iyong wala sa katwiran
iyang pwesto mo ba'y matamis mong panghahawakan
o sa sarili'y nagsisinungaling ka na naman

kung di lang gumamit ng pera'y tiyak matatalo
kung di lang naglabas ng salapi'y bugbog-sarado
kasaysayan ng diktadura'y pilit pinabango
may aral sa atin ang mga nangyayaring ito

di sapat ang maging mabuting kandidato ka lang
na santa o banal na bayan ay paglilingkuran
di sapat ang mabuting intensyon para sa bayan
dahil ang halalan ay naging pera-pera na lang

subalit bilang tao, masisikmura mo kaya
kasinungalinga'y batayan ng pamamahala
pagbabago man ng kasaysayan ay pandaraya
pamilyang kilalang mandarambong ay di nawala

mapait pa sa apdo ang sinapit ng bayan ko
pati kasaysayan ay pilit binabagong todo
di ko kikilalanin ang ganyang tusong pangulo
na pinaglaruan ang madla para lang manalo

- gregoriovbituinjr.
06.02.2022

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...